MINAMADALI ni President Aquino ang paglabas ng pondo para sa modernisasyon ng PAGASA. Parating na ang tag-ulan kaya mahalaga na maganda ang mga kagamitan ng PAGASA para mas tapat ang mga ulat hinggil sa ganda o sama ng panahon, nang hindi mabulaga ang bansa tulad noong pumasok ang Ondoy at iba pang mga malalakas na bagyo at pag-ulan. Pasukan na rin kaya dapat lang na tapat ang mga ulat ng PAGASA para hindi naman mahirapan ang mga mag-aaral. Itong mga nakaraang araw ay bumuhos na nga ang ulan, at tulad ng mga lumipas na taon, nagbaha muli sa Metro Manila. Sa kabila ng taun-taong flood control program ng MMDA, nagbabaha pa rin sa lansangan. At hindi pa nga malalakas ang bunuhos na ulan!
Kasi naman, ayaw pa ring linisin nang husto ang mga estero at kanal na nagsisilbing daluyan ng tubig patu-ngong Manila Bay. Kung makakakita ka ng lumang mapa ng Maynila, mapapansin mo na napakaraming estero at kanal sa siyudad. Sa madaling salita, alam ng mga nagplano ng siyudad noong araw na magbabaha ang Maynila kapag bumuhos ang malakas na ulan. Kaya gumawa ng paraan para mas mabilis humupa ang baha, kung sakali, sa pamamagitan ng mga estero at kanal. Pero ano na ang estado ng mga kanal at estero ngayon?
Dahil na rin sa kaunlaran at laki ng populasyon, halos wala nang silbi ang mga estero at kanal. Kung hindi dahil sa tone-toneladang basura na itinatapon sa mga kanal at estero, naging mga komunidad na rin mga informal settlers. May mga estero na ginawa na ring kalsada. Kung talagang gustong maging seryoso ang MMDA sa kanilang flood-control, kailangang buhayin ang mga estero at kanal sa buong Metro Manila. Kailangang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na hindi na puwedeng tirhan o gawing komunidad ang mga tabing-estero at kanal. Para mabawasan na rin ang pagtapon ng basura sa mga ito. Pero nandito ang problema. Alam naman natin kung bakit pinahihintulutan pa ng mga lokal na pamahalaan ang mga informal settlers na manirahan sa mga tabing-estero at kanal. Sigurado ako na kung mabubuhay lamang ang sistema ng mga kanal at estero sa Metro Manila, hindi na masyadong magbabaha, at hindi na mauulit ang mala-Ondoy na pangyayari. At kapag maganda na ang kagamitan ng PAGASA, hindi na tayo mabubulaga.