SAAN mang eskuwelahan, kapitbahayan, at opisina ay merong bully: Nananakit sa maliliit at mahihina. Saan mang rehiyon ay meron ding bansang bully: nang-aapi sa iba. Sa Asia, ito ang China. Classic na asal-bully siya. Dinadaan lahat sa dahas, imbis na pakisama. Pero tiklop kapag dumarating ang awtoridad o kaya’y nakatagpo ng katapat.
Ipinipilit ng China ang makasariling “nine-dash claim†sa buong 1.35 milyong square miles ng South China Sea. Binabawal niya maglayag doon ang maliliit at mahihinang kabit-bansa: Brunei, Malaysia, Vietnam, Pilipinas. Ito’y bagamat lahat ay kasali sa Law of the Sea, na nagtatalaga ng 200-mile exclusive economic zone mula sa pampang ng bawat isa.
Peke ang ancient maps na batayan ng China sa nine-dash claim. At maling geology ang pagtawag nitong “isla niya†sa mga batuhan lang at bahura na lubog naman tuwing high tide. Sinosolo niya ang pangisdaan at langis. Ipinatatakot sa Navy niya ang mga nangingisda at nag-aaral ng karagatan. Ilang beses na itong nangkanyon ng mga Vietnamese craft, at nang-agaw ng mga bahura sa gilid ng Pilipinas.
Pati barkong India na dumadaan sa dagat-Vietnam ay hinuli; at binangga ng Chinese poacher ships na suportado ng Navy ang Japanese coast guard patrol craft, kaya namatay ang kapitan, sa North China Sea. Pinasok ng Chinese army nang walong milya ang Kashmir territory ng India, at patuloy nitong sinusupil ang mga taga-Tibet at -Xinjiang.
Pero nang nagpatrulya ang US Pacific fleet kama-kailan sa bandang Spratlys, nagtago ang dating nambu-bully na Chinese military vessels. At nang machinegun-in ng Russian coast guard ang mga namasok na Chinese poachers, natameme ang bully China.
Dahas at lakas lang ang naiintindihang salita ng mga bully.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com