ANG Hunyo ay “Dengue Awareness Monthâ€. Pinag-iingat ang mamamayan sa mga lamok na tinatawag na Aedis Aegypti sapagkat ang mga ito ang may taglay na dengue. Madaling makikilala ang lamok na ito sapagkat mayroon itong batik-batik na puti sa katawan. Kadalasang sa araw nangangagat ang mga lamok na ito. Ngayong nag-uumpisa na ang tag-ulan, inaasahang dadami pa ang mga lamok at maraming mabibiktima.
Ayon sa Department of Health (DOH) kinakaila-ngang maglinis ng kapaligiran ang mamamayan. Alisin o sirain ang mga bagay na maaaring tirahan o pangitlugan ng mga lamok --- mga basyong bote, goma ng sasakyan, paso ng halaman, mga lata, at mga kanal na hindi umaagos ang tubig. Mabilis dumami ang mga lamok at sa isang iglap ay ikakalat nila ang lagim ng dengue. Maaaring mamatay ang biktima kapag hindi nadala sa doctor. Karaniwang biktima ng dengue ay mga bata. Taun-taon ay tumataas ang bilang ng mga nagkaka-dengue.
Noong nakaarang taon umabot sa 51, 597 ang nagka-dengue. Mataas ang kaso ng dengue sa Metro Manila, Calabarzon area at Central Luzon. Inaasahang lolobo rin ang dengue ngayong taon dahil marami pa ring mga tao ang walang disiplina sa sarili at patuloy na pinarurumi ang kapaligiran. Kung saan may maruming lugar, naroon ang lamok na may dengue.
Nakapagtataka naman kung bakit tumataas ang bilang ng dengue victims gayung ayon kay President Aquino, hindi tumitigil ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga lamok. Sinabi niya ito sa kanyang SONA noong nakaraang taon. Aniya, “Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang mga mosquito trap noong 2011: bumaba ito sa tatlumpu’t pito; 97 percent reduction po ito. Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434 na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011.’’
Kung may eksperimentong ganito, bakit patuloy ang pagdami ng lamok. Mas maganda kung imulat ang mamamayan sa tamang paglilinis ng kapaligiran. Huwag itapon kung saan-saan ang mga basura. Walang humpay na paglilinis ang nararapat. Ituro rin sa mga bata ang pagwasak sa mga bahay ng lamok.