Panahong lumipas

Kapag naiisip panahong lumipas

pawang kasiyahan aking namamalas;

Noon ang pag-ibig – magulang at anak

ay lantay na ginto ang nakakatulad!

Subali’t sa ngayo’y masdan ang paligid

masasamang bisyo tanging namamasid;

Saan man naroon ang puso at isip –

masamang hangarin hindi nawawaglit!

 

Tingnan mo na lamang dalaga’t binata

wala nang matapat sa pangako’t sumpa;

Lalaking nagmahal ay kumakaliwa

at itong babae hangad ay sagana!

 

Ang mga lalaking noo’y nagmamahal

matapat sa sumpang kanyang binitiwan;

Hindi alintana maging kamatayan

nagiging bayani sa harap ng bayan!

 

Kaya ang lumipas magandang isipin

at sana’y magbalik suyuang magiliw;

Binitiwang “oo” ng mutyang mahinhin

dala niya nito hanggang sa malibing!

Show comments