Kasalanan nino?

DALAWANG imbestigasyon ang kasalukuyang ginagawa para malaman ang dahilan ng dalawang magkaibang insidente. Ang isa ay ang pagsabog sa Two Serendra sa Taguig, at ang isa naman ay ang pagsadsad ng Cebu Pacific sa runway ng Davao International Airport.

Sa Two Serendra, medyo nawawala na ang posibilidad na ang naganap ay pagsabog ng bomba, salamat naman. Hindi natin alam kung ano ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa na ilang araw bago mangyari ang pagsabog ay naulat na pinakamalaki sa Asya, daig pa ang China. Dahil na rin sa walang positibong reaskyon mula sa mga espesyal na bomb-sniffing dogs, at ayon na rin sa isang propesor mula UP na ang marunong tumingin ay masasabi kaagad na hindi ito bomba dahil wala ang mga senyales at ebidensiya ng isang bomba. Ang tinitingnan ngayon ay ang posibilidad na may tagas ang LPG na sinusuplay ng gusali sa lahat ng unit. Agad namang idinipensa ng Ayala na ligtas ang kanilang sistema. Natural na pahayag iyon galing sa gumawa ng gusali. Ganundin naman ang sinabi ng may-ari ng tubo ng gasolina na dumadaan sa ilalim ng West Tower, hanggang nakita na may maliit na tagas nga. Kung walang diperensya ang kanilang sistema, kasalanan ng isang nakatira sa gusali kung ganun?

Sa Cebu Pacific naman, ang tinitingnan ngayon ay ang piloto ng eroplano, kung siya ang may sala at sumadsad ang eroplano. Umuulan at madulas ang runway nang lumapag ang eroplano hanggang sumadsad ito. Walang makaka-kontrol ng panahon, pero sigurado ako na may tamang proseso para ilapag ang eroplano sa ganyang sitwasyon. At dahil nakita ng piloto ang runway at nagbigay ng clearance ang Davao International Airport, lahat nang indikasyon ay puwedeng ilapag ang eroplano. Ayon sa mga pasahero, malakas ang paglapag ng eroplano sa runway. Higit dalawang araw din naiwan ang eroplano sa damuhan ng airport, sanhi ng pagtigil ng operasyon nito. Libu-libong pasahero ang hindi makaalis at makabalik ng Davao dahil dito.

Sa dalawang imbestigasyon, mahalaga ang ma­laman sa lalong madaling panahon kung ano, o sino ang may kasalanan, dahil na rin sa kahalagahan nila. Sa dalawang insidente, parehong hinihintay ng bayan ang resulta ng imbes­tigasyon, para magawa ang mga hakbang nang sa ganun ay hindi na maulit. Mabuti na lang at walang namatay sa insidente ng Cebu Pacific bagama’t inakala na katapusan na nila, hindi tulad sa Two Serendra kung saan tatlo ang namatay.

Show comments