EDITORYAL - Batik sa PNP

SUNUD-SUNOD ang mga kontrobersiyang kina­sasangkutan ng ilang miyembro ng Philip­pine National Police (PNP). Pagpasok ng 2013, bumulaga ang Atimonan massacre kung saan 13 sibilyan ang napatay ng mga pulis. Ayon sa mga pulis, legitimate encounter ang nangyari pero sa lumabas na imbes­tigasyon, rubout ang nangyari. Kinasuhan ang mga pulis na sangkot.

Kamakailan, nadakip ang isang police inspector­ na nakunan ng video habang tinotorture ang isang suspect. Tinalian ang ari ng suspect at saka hinihila ng police official. Nagmamakaawa ang suspect pero patuloy ang inspector sa pagpapahirap. Sinam­pahan na ng kaso ang police official.

Marami pang pangyayari na kinasangkutan ng ilang pulis. At tila hindi na angkop ang motto na “we serve and protect”. Patindi pa nang patindi ang kanilang mga kinasasangkutang kontrobersiya.

Noong Miyerkules, hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang isang police colonel dahil sa pagprotekta niya sa isang shabu laboratory sa Naguilian, La Union. Ang nahatulan ay si Sr. Supt. Dionisio Borromeo. Hinatulan siya ni Judge Fer­dinand Fe ng Bauang La Union Regional Trial Court.

Ang pangyayaring ito ay karagdagang batik na naman sa PNP. Habang ang mga namumuno sa PNP ay sinisikap na pagandahin ang organisasyon, may mga “bugok” naman na sumisira rito. Habang maraming pulis ang sinisikap na gampanan ang tunay na tungkulin, sinisira naman ito ng ilan. Hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sinumpaang tungkulin na magsisilbi at poprotektahan ang mamamayan.

Isang malaking hamon kay PNP chief Dir. General­ Alan Purisima ang pananatili ng “scalawags­” sa kanyang pinamumunuan. Kapag hindi niya napatino ang mga “bugok”, babagsak ang PNP. Wala nang magtitiwala. Makita lamang ng mga tao ang asul na uniporme ay kasusuklaman na. May pa­nahon pa para isaayos ang PNP. Naniniwala kami na kaya ito ni Purisima.

Show comments