EDITORYAL - Please, kailangan nila ng tulong
BIGLA ang pagdating ng kamatayan sa tatlong empleado ng appliance company noong Biyernes ng gabi dakong alas-otso. Banayad na tumatakbo ang kanilang service van sa tapat ng Two Serendra condominium sa Taguig City nang bigla ay isang malapad na konkretong dingding ang bumagsak sa kanilang sasakyan. Nanggaling ang konkreto sa fifth floor ng condominium nang magkaroon ng explosion doon. Nagkayupi-yupi ang van na binagsakan. Namatay noon din ang drayber at ang dalawang kasamahan nito. Hindi na nila nalaman kung ano ang bumagsak sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang imbestigasyon sa nangyaring explosion pero malabo umanong bomba ang dahilan. Maaari raw na nag-leak na gas ang dahilan.
Anuman ang lumabas sa imbestigasyon, maÂaaring wala nang interes dito ang mga kaanak ng biktima. Ang kanilang iniisip sa ngayon ay kung ano ang mangyayari sa kanilang hinaharap sa pagkaÂmatay ng mga tangi nilang inaasahan para mabuhay at mapag-aral ang kanilang mga anak. Ang mga namatay ay nakilalang sina Sallymar Natividad, 41, driver ng van, may-asawa at taga-Bulacan; Marlon Bandiola, 29, assembler, may-asawa at taga-Cavite; at Jeffrey Umali, 32, assembler, ng Sta. Mesa, Manila. Sila ay may mga pamilyang naiwan. Napakasakit ng nangyari sa kanila. Ang kani-kanilang asawa ay hindi makapaniwala na uuwi silang nakasilid sa kabaong.
Ayon sa ginang ng isa sa mga biktima, nag-text pa raw ang kanyang asawa bago ang aksidente. Tinanong pa raw siya kung nakakain na silang mag-iina. Umano’y lingguhan kung umuwi ang kanyang mister. Hindi raw niya akalain na iyon na pala ang huling text ng asawa.
Ang masakit, ayon sa mga asawang naulila, hindi pa raw sila nakatatanggap ng tulong mula sa deÂveloper ng comdominium at ganundin sa kompanya. Naghihintay daw sila pero walang dumarating. Sila pa raw ang parang nagmamakaawa sa mga ito na tulungan sila.
Noong Biyernes, agarang sumugod si President Aquino at DILG secretary Mar Roxas sa lugar ng aksidente at inalam ang pangyayari. Sana, ganundin kabilis ang pag-ayuda sa naulila ng mga biktima. Huwag naman silang pabayaan sa ganitong pagkakataon. Please lang.
- Latest