Kung sa akin aba
at ulilang libing
May isang bulaklak
na biglang sumupling;
Hagkan mo’t ang halik
itaos sa akin,
Sa lupang himlayan
ay aking daramhin
Dampi ng labi mong
matamis, magiliw!
Sa dampi ng labi’y
muling magbabalik
Masasayang araw
ng ating pag-ibig;
Ako’y dukha lamang
na iyong inibig
Ang langit at lupa’y
parang nagkalapit,
Kaya ang ligaya’y
halos walang patid!
Malimit na tayo’y
laging nagtatagpo
Sa tabi ng batis
na hindi malayo;
Noon ang daigdig
nasa ating puso,
Umula’t umaraw
hindi naglalayo
At sa isang lunday
laging magkasuno!
Ngunit isang araw
tayo’y namamasyal
Sa tama ng punglo
ako ay pumanaw;
Ilaw naman giliw –
dinala kung saan;
Ikaw ay nagbalik
dumalaw kang luhaa’t
Hinagkan mo ang bulaklak
sa aking libingan!