KUNG mayroong nalulungkot sa paglalagda ni Presidente Noynoy Aquino sa batas laban sa botcha o double dead na karne, ito ay yung mga tiwaling negosyanteng ibig magkamal ng pera kahit manganib ang buhay ng mga tao. Masahol pa sa massacre ang ginagawang krimen ng mga ito.
Aba, dapat na silang matakot ngayon dahil kapag hindi sila naawat sa karumaldumal nilang negosyo, 12-taong kalaboso ang kakaharapin nila bukod pa sa multang P100,000 hanggang P1 milyon.
Kung ako ang mambabatas baka patawan ko pa ng parusang reclusion perpetua ang ganyang krimen dahil karumal-dumal. Kapag na food-poisoning ang mga nakabili ng kanilang bulok na produkto ay mistulang mass murder iyan!
Tuwang-tuwa ang dalawang senador sa enactment ng batas. Ang pagpapakalat ng double dead na karne ay isang illegal na gawaing tila hindi mapigilan ng mga awtoridad at ng kasalukuyang batas. Palibhasa, napakagaan ng parusang multang P1-libo. Kaya ang mga tiwaling negosyanteng ito kapag nahuli ngayon, balik sa maruming negosyo kinabukasan.
Ayon kina Senators Manny Villar at Francis “Kiko†Pangilinan, sa pamamagitan ng mahigpit na batas ay mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan dahil tiyak kusa nang titigil sa ganyang uri ng negosyo ang mga mambobotcha.
Papatawan ng parusang pagkabilanggo ng hanggang 12 taon at multang mula P100,000 hanggang P1 milyon ang sinuÂÂmang mahuhuling nagpapakalat at nagbebenta ng botcha.
Sa kabila nga naman ng kabi-kabilang raid sa mga nagbebenta ng ganyang klaseng produkto na isinasagawa ng National Meat Inspection Service, local officials at mga kagawad ng pulisya, madaling makaiwas sa prosekusyon ang mga nahuhuli porke napakahina ng kasalukuyang batas dito.
Maparaan ang mga unscrupulous traders na ito. Nalaman sa hearing sa Senado na nagagawan ng paraan ng ilang meat traders na magmukhang sariwa ang mga double dead na karne. Sana naman magkaroon ng mahigpit na implementasyon ang batas na ito para na rin sa kapakanan ng mga consumers.