EDITORYAL - Inutil

DALAWANG beses nang nag-email ng retrato sa Philippine STAR ang fugitive na si dating police senior superintendent Cesar Mancao. Una ay nasa isang fastfood chain siya at ikalawa ay nasa harapan o sa may gate ng Department of Justice (DOJ). Parehong nalathala sa nasabing broadsheet ang mga retrato. Pero sabi ni DOJ secretary Leila de Lima, peke ang mga retrato. Ginawa raw sa pamamagitan ng photoshop. Ito ay para raw palabasin na inutil ang DOJ at National Bureau of Investigation (NBI). Tumakas si Mancao sa NBI detention cell dalawang linggo na ang nakararaan sa pamamagitan ng pagpapalit ng kandado ng kanyang selda. Walang nakapansin sa pagtakas ni Mancao bagamat nakunan siya ng CCTV habang papalabas at patungo sa naghihintay na sasakyan.

Sabi ni De Lima, hindi dapat pinapatulan ng media ang mga stunt ni Mancao. Ipinag-utos din ni De Lima sa NBI na imbestigahan ang reporter ng STAR na nagpagamit umano kay Mancao.

Nakapagtataka kung bakit ang media ang pinagdidiskitahan ni De Lima gayong ipinababatid at inihahayag lang naman ang mga nangyayari sa paligid. Papel ng media na ipaalam sa publiko ang mga mahahalagang pangyayari. Hindi dapat maging balat-sibuyas ang DOJ secretary sa mga nangyayari na may kaugnayan sa fugitive na si Mancao. Malay ni De Lima, baka mayroong ibig ipahiwatig si Mancao kaya lagi siyang nagpapadala ng kanyang photographs para mailathala.

Maaari rin namang ayaw ni De Lima na mapintasan ang DOJ at NBI sapagkat isang katatawanan nga naman na makunan ang isang fugitive sa harap mismo ng kanilang tanggapan. Baka nga naman matawag silang inutil. Malaking katatawanan na ang isang pinaghahanap ng batas ay nasa paligid lamang pala.

Sabagay hindi lamang naman si Mancao ang nagtatago sa batas sa kasalukuyan at hindi rin matagpu-tagpuan. Nariyan sina dating retired army general Jovito Palparan, magkapatid na Reyes ng Palawan, businessman Delfin Lee at isang kilalang congressman. Matagal na silang nagtatago at hanggang ngayon, ni anino nila ay hindi matagpuan.

Sa tagal ng kanilang pagtatago, nagpapakita lamang ito nang pagiging inutil ng mga awtoridad. Bakit hindi sila madakma?

Show comments