Taiwanese‘blackmail’

NAKAKITA ng leverage ang Taiwan para brasuhin ang Pilipinas na kilalanin ang “pagka-bansa nito.”

Nais nito na personal na makipagkita si Presidente Noynoy Aquino sa Presidente ng naturang bansa at pormal na humingi ng tawad sa kaso ng pagkapatay sa isang Taiwanese fishing crew ng mga elemento ng Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Gustuhin man ng ating Pangulo ay hindi puwede. Mayroong international protocol na humahadlang dito. Hindi kinikilala ng world community ang Taiwan bilang isang bansa kundi isa lamang teritoryo ng People’s Republic of China. Iyan ang tinatawag na “One China policy” na sinusunod ng maraming bansa sa daigdig. Kung personal na tutungo doon ang Pangulo para makipagnegosasyon, lalabag siya sa protocol na ito.

Kaya nga wala tayong embahada doon kundi isa lamang economic and cultural exchange office (Manila Economic and Cultural Office) na pinamumunuan ng isang represen-tante at hindi embahador. Itinalaga na nga ng Pangulo ang naturang kinatawan bilang representante niya sa paghingi ng paumanhin. “No way” sabi ng Taiwan.

Iyan ngayon ang dilemma ng gobyerno. Paano mapaglulubag ang damdamin ng Taiwan? Para sa Taiwan, walang ibang paraan kundi ang personal na paninikluhod ni P-Noy sa leader ng nasabing bansa.

Hindi naman ubrang ipagwalang bahala ito dahil  halos 80,000 Pilipino ang nagtatrabaho roon. Sa ngayon nga ay dumaranas na ng pagmamaltrato ang halos lahat ng Pilipino roon. Ni ayaw na raw pagbilhan sa mga tindahan ang mga Pilipino ng mga Taiwanese na nagbebenggansa sa sinapit sa Pilipinas ng kanilang kababayan.

Nabalitaan ko na ang mga dumarating na Pilipinong turista doon ay bigla na lamang nakararanas ng pagkansela ng kanilang bookings sa mga hotel. Yung ibang dati nang naroroon ay inuumbag umano ng mga Taiwanese.

Imbes na maging “paraiso” ang Taiwan para sa ating mga Pilipino, bigla na lamang itong naging “impiyerno” na kinatatakutan. Hindi naman puwedeng basta na lamang umalis ang mga Pinoy na naroroon dahil nandoon ang kanilang kabuhayan. Iyan. Iyan ang hamong dapat harapin ng Pilipinas. Paano mararating ang isang win-win solution sa pagresolba ng sensitibong usaping ito.

Show comments