Lahat nakaantala, maliban sa Comelec-Smartmatic

INIS ang election lawyers sa paghirang ni Comelec chief Sixto Brillantes nu’ng Huwebes ng anim sa 12 senatorial winners. Anila 69% pa lang ang botong naka-canvass noon, at 11 milyon pa ang labi. At dahil walang bilang ng boto sa certificates ng anim na nanalo, mali ang proklamasyon.

Nagpalusot bigla si Brillantes na ceremonial -- palamuti, palabas, pakitang-tao -- lang ang naganap. Bakit kinailangan ni Brillantes mag-seremonya? ‘Yun ay para pagtakpan ang malaking gusot sa Halalan 2013: Ang tatlong araw na atrasadong pag-transmit ng mga resulta mula sa mga presinto patungong central servers.

Apat ang sanhi na pag-antala. Una, anang poll watchdog Namfrel, kulang ang transmission modems: 15,000 lang para sa 79,000 precincts -- at mababagal pa. Ikalawa, depektibo kaya ayaw mag-transmit ang compact-flash (CF) cards sa loob ng voting machines.

Ikatlo, dagdag ng watchdog AES (Automated Election System) Watch, palpak ang 82,000 precinct count optical scan (PCOS) voting machines ng Smartmatic. Ikaapat, dahil sa tradisyunal na dagdag-bawas areas ang delay -- Mindanao autonomous region at Cordilleras -- minanipula pa kasi ang mga resulta.

Iba ang sagot ng Smartmatic, na supplier ng P9-bilyong PCOS at ng daan-milyong-pisong modems at CF cards. Hindi raw modems ang mahina, kundi ang signal ng telcos na PLDT, Smart, Sun, at Globe. At wala raw depekto ang CF cards; mali lang daw ang pinindot ng precinct inspectors-teachers na buton sa PCOS.

Sabi naman ni Brillantes, mga labanang lokal at maiingay na disqualified party lists ang sanhi ng delays. Kumbaga, kasalanan ng lahat ang pagkaantala, maliban sa diyos-diyosang Comelec-Smartmatic.

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments