SABI ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong nakaraang Marso, bago raw mag-umpisa ang school year 2013 at bago ang tag-ulan, tatapusin ang paggawa sa mga kalsada sa Metro Manila. Kaya nga inumpisahan nila nang maaga para madaling matapos. Pero dalawang linggo na lamang ang nalalabi at magpapasukan na. Nakaamba na rin ang tag-ulan. At kapag nagkasabay ang pasukan, ulan at paggawa sa mga kalsada, kalbaryong trapik ang resulta.
Nagkamali yata nang pahayag ang DPWH sa pagsasabing tatapusin nila nang maaga at mabilisan ang mga kalsada. Mayroong mga kalsada na ngayon pa lang binubungkal. Ang mga sinimulan, tatlong buwan na ang nakararaan ay hindi pa nadadaanan. Usad-pagong ang pagtatrabaho. At dahil sa kabagalan, aabutan pa nga ng tag-ulan at pagbubukas ng eskuwelahan.
Ilan sa mga kalsadang hindi pa natatapos ay ang Roxas Blvd. sa Maynila, malapit sa Manila Hotel na nagdudulot nang matinding trapik. Mabagal ang pagtatrabaho gayung hindi naman kahabaan ang ginagawa. May mga ginagawa ring kalsada sa dating Gob. Forbes St. sa Sampaloc, sa Sta. Cruz at Avenida Rizal. May binubungkal din sa A. Bonifacio Avenue tapat ng North Cemetery. May mga ginagawang pagsasaayos sa Quezon Avenue at ilang bahagi ng EDSA.
Pawang mga contractor ang gumagawa ng mga kalsada. Tiyak na nakakubra na ng bayad sa DPWH ang mga ito. Dapat linawin ng DPWH sa mga contractor kung ano ang dahilan at naatrasado ang pagtapos sa mga kalsada.
Maski sa probinsiya ay mga road project din na hindi tinatapos ang mga contractor. Isang halimbawa ay ang road project sa Burauen-Albuera, Leyte. Matagal na ang project na ito --- 2004 pa umano pero hanggang ngayon, hindi pa nadadaanan ng sasakyan. Kapag umuulan ay napakaputik. Ayon sa DPWH inihahanda na nila ang pagsasampa ng kaso sa contractor. Umano’y P500 million na ang naibubuhos sa project.
Tiyak na may anomalya sa project kaya dapat itong imbestigahan. Sayang ang pera ng taumbayan na ibinuhos sa project na hindi napapakinabangan.