EDITORYAL - Problema sa PCOS machines
MAHIGIT 200 precinct count optical scan (PCOS) machines pala ang hindi gumana noong May 13 elections. Iba’t iba ang problemang ibinigay ng PCOS machines: May ayaw tumanggap ng isinusubong thermal paper, mayroong tumatanggap pero iniluluwa, mayroong ayaw magprint ng text at yung iba ay kailangan pang sundutin nang stick para magtuluy-tuloy ang pagpasok ng papel sa machine. Ang mga problemang ito ang naging dahilan kaya marami ang naatrasado sa pagboto. Mayroong inabot ng dalawa hanggang tatlong oras sa pila sapagkat hindi umuusad. Nakapagtataka na sa kabila na may nagkakaaberyang PCOS machines ay wala namang nakaantabay na technicians o kaya’y ekstrang machine para agad na may maipalit.
Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes may kabuuang 80,000 PCOS machines ang ginamit sa election noong Lunes. Idinepensa naman ni Brillantes ang katatapos na election at sinabing isa ito sa pinaka-matagumpay. Kung ikukumpara raw sa 2010 elections, mas matagumpay at mapayapa ang katatapos na elections. Nagpasaring din siya sa mga kritiko na tumigil na sa pagbatikos. Ayon kay Brillantes, may mga nagsasabing nagkaroon ng dayaan dahil sa hindi paggana ng ilang PCOS machines. May nagsasabi pa na nagawa raw ang pandaraya dahil sa switching ng compact flash (CF) cards. Noong isang araw, nagbanta si Brillantes na kakasuhan ang mga naninira at nagsasabi nang walang batayan. Kahapon, nagbanta na naman si Brillantes na magbibitiw kapag napatunayan na nagkaroon ng dayaan. Kinuwestiyon din ng ilang election lawyer ang pagproklama sa anim na nanalong senador. Hindi raw dapat pinroklama agad dahil hindi pa tapos ang bilangan. Pero nagkibit-balikat lang si Brillantes sa puna.
Kung problema ang PCOS, dapat sa machines na ito mag-focus ang Comelec. Bakit nasisira gayung dumaan naman ang machines sa testing bago ang ginanap ang election? Bakit walang aksiyon na ginagawa ang kompanyang nag-supply ng PCOS?
Sa 2016 ay gagamitin uli ang PCOS at sana naman, napag-aralan na ng Comelec ang mga problema ukol dito. Huwag na sanang masira o mag-malfunction ang PCOS machines.
- Latest