EDITORYAL - Maghanap nang paglilipatan sa mga OFW na nasa Taiwan

NAG-SORRY na ang Pilipinas sa pamilya ng napatay na mangingisdang Taiwanese pero hindi ito tinanggap ng gobyerno ng Taiwan. “Informal” daw at hindi “sincere” ang sorry na ipinaabot ng Philippine government. Agad na ni-recall ng Taiwan ang kanilang representative sa Pilipinas at ang matindi, itinigil ang pag-hire ng mga Pilipino. Ayon kay Taiwanese Premier Jiang Yi-huah, hindi raw natutuwa ang kanilang pamahalaan sa ginawang paghingi ng apology ni Manila Economic and Cultural Office (MECO)  resident representative in Taipei Antonio Basilio. Hindi raw sinsero ang paghingi ng sorry ni Basilio. Dahil dito, nagpadala na ang Philippine government ng dalawang opisyal sa Taiwan para personal na ideliber ang apology ng Pilipinas sa pamilya ng napatay na mangingisda. Pero sa huling report, tila wala pa ring palatandaan na tatanggapin ng Taiwan ang apology. Umano’y gustong malaman ng Taiwan kung mapaparusahan ang mga bumaril at pumatay sa kanilang mangingisda. Naghihintay umano ng resulta ang Taiwan sa imbestigasyon ng pamamaril. Kahapon, panibagong banta ang ginawa ng gobyerno ng Taiwan at ito ay ang pagbabawal sa kanilang mamamayan na bumiyahe sa Pilipinas.

Habang palalim nang palalim ang isyu, marami namang overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan ang nangangamba sapagkat nakararanas sila ng harassment mula sa mga Taiwanese. Matindi na umano ang discrimination sa mga OFW doon. Katunayan, may mga tindahan doon na ayaw pagbentahan ang mga Pinoy. Umano’y may mga OFW din na ayaw pasakayin sa train.  Noong Lunes, sinunog ng mga Taiwanese ang watawat ng Pilipinas sa embassy doon.

Ginawa na ng Pilipinas ang lahat ng paraan sa pangyayaring ito pero ayaw makinig ang Taiwan.  Bingi na sila sa paliwanag sa puno’t dulo ng pangyayari. Ayon sa report, pumasok sa teritoryo ng Pilipinas ang barkong pangisda ng Taiwan kaya dumepensa ang Philippine Coast Guard. Pinaulanan ng bala ang fishing boat na ikinamatay ng isang mangingisda.

Pinaka-mabuting magagawa ng Philippine go-vernment ay maghanap ng pagdadalhan sa mga OFW na nasa Taiwan. Kung aalisin na roon, dapat mayroong bansang mapupuntahan. Ito ang pinaka-mabuting paraan.

 

Show comments