EDITORYAL - Paghandaan ang baha

KUNG hindi makokolekta ang mga basura noong eleksiyon, maaaring ang mga ito ang maging dahilan ng pagbaha. Mas matindi ang lilikhaing pagbaha kapag ang mga tarpaulin ng kandidato ang bumara sa mga daanan ng tubig. Kung ang karaniwang plastic na supot ay hindi natutunaw, mas lalong hindi natutunaw ang tarpaulin. Bukod sa mga tarpaulin, marami ring streamers at banners na gawa sa tela ang maaa-ring bumara sa mga kanal at imburnal. Ang mga banner at streamers ay nakakabit pa sa kawayang stick kaya mas lalong magbabara sa mga daanan ng tubig. Mauulit ang mga pagbaha na naranasan sa nakaraan. Marami na namang mapipinsala.

Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nangangasiwa sa paglilinis ng mga basurang nalikha noong election. At pati ang mga campaign materials na nakadikit at nakakabit sa mga pader, punongkahoy, poste ng koryente ay sila rin ang inaasahang magbabaklas. Hindi naman maaaring asahan ang mga kandidato na mag-alis ng sarili nilang campaign materials sapagkat hindi na sila mahagilap. Mas lalong hindi maaasahan ang mga natalong kandidato na mag-alis ng kanilang ikinabit at idinikit na mga poster. Hindi na sila aasahan sapagkat tapos na ang eleksiyon. At walang magagawa ang MMDA kundi linisin ang mga ikinabit ng mga kandidato.

Kamakalawa, sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na dapat kung sino ang kandidatong nagkabit o nagdikit ng kanilang campaign mate-rials ay sila rin ang dapat na mag-alis. Maganda ang suhestiyong ito ni Tolentino. Kung  ang kandidato ang mag-aalis ng sariling posters, maiiwasan na ang maraming basura. Dapat daw i-recycle ang mga tarpaulin at mga telang ginamit na streamers at banners. Kung iipunin nang maayos ang mga tarpaulin, hindi lilikha ng baha.

Gawin ng MMDA ang balak para wala nang basura sa susunod na eleksiyon. Kung walang basura, wala na ring baha. Wala nang perwisyo sa kabuhayan ng mamamayan. Makipagtulungan naman ang mamamayan sa maayos na pagtatapon ng basura.

 

Show comments