Panahon ng Kastila: Halalan sa pueblo (2)

BAGO ang halalan, bawal mag-usap-usap ang mga principales kung sino-sino ang isinusulong nila na mga kandidato. Bawal din sila magpangkat-pangkat. At lalong bawal mamili at magbenta ng boto. Pero malimit itong nilala­bag. Nagpapakain sa mansiyon ang mga mayayaman sa bayan para ipaalam sa kapwa kung sino ang nais manalo, at namimigay ng mga regalong manok, kambing, kahoy, at iba pa. (Ito’y ayon sa saliksik ni Prof. Glenn Anthony May sa 42 eleksiyon sa Batangas nu’ng 1887-1894.)

Sa sorteo sa Araw ng Halalan, pinipili mula sa principalia kung sino mismo sa kanila ang boboto sa bagong gobernadorcillo. Sinusulat sa papeletas ang pa-ngalan ng bawat cabeza de barangay, at hinuhulog ito sa isang urna. Sa ibang urna nilalagay ang pangalan ng bawat capitan pasado at cabeza reformado. Isang batang lalaki, hindi lalampas sa edad-7, ang bubunot ng tig-anim na pangalan mula sa mga urna.

Lilipat ng silid ang 12, kasama ang nakaupong gober­nadorcillo. Igigiit ng alcalde mayor ang mga dapat na katangian ng mga ihahalal. Saka idadaos ang terna. Isusulat ng 13 ang tig-dalawang nais nila. Ililista ng secretario ang dalawang pinaka-maraming boto. Tapos, isusulat ng 13 ang tig-isang nais nila maging teniente mayor, juez de policia, juez de sementeras, at juez de ganados. Ililista muli ang nakakuha ng pinaka-mataas ang boto sa bawat puwesto.

Iaanunsiyo sa kabayanan ang mga nahirang. Pero hindi pa ito pinal. Saka pa lang mangangalap at magsusuri ang cura, Guardia Civil, at sinuman sa principalia ng mga pagkontra sa mga nominado. Ipapadala lahat ito sa alcalde mayor, na gagawa ng sariling pag-aaral. Ang huling desisyon ay sa go­vernor general. Lumilipas ang dalawa o tatlong buwan bago pirmahan ang acta (proklamasyon).

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments