EDITORYAL - Maging matalino na sana sa pagboto
SA mga nakaraang elections sa bansa, maraming nagkamali sa pagpili ng kanilang ibinoto. Hindi sila naging matalino sa pagpili nang tamang kandidato. Maraming natangay lamang sa hikayat ng kaibigan at kamag-anak kaya naiboto ang kandidato. Ang iba, natangay sa mga patalastas at bonggang advertisement sa TV at diyaryo. May nahikayat din naman sa inilalabas na survey. At huli na nang malaman na nagkamali sila sa ibinoto. Ang kanilang ibinoto, wala namang nagawa para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan at pawang sa sariling interes lang ang pinagkaabalahan.
Ngayong araw na ito, maging matalino na sana sa pagpili ng kandidato. Piliin ang kandidatong may magandang plataporma na ang makikinabang ay ang nakararami at maliliit na mamamayan. Piliin ang kandidatong ang hangarin ay maiangat ang buhay ng mga naghihikahos na kababayan. Pagbatayan din sa pagboto ang magagandang nagawa ng kandidato na ang nagtamasa ay ang mga karaniwang mamamayan. Kung walang ganitong katangian ang mga kandidatong napupusuan, mag-isip nang maraming beses. Huwag basta susubo sa pagboto na kung sinu-sino na ang kandidatong ipuwesto. Maging mapagmasid at mapanuri sa mga iluluklok sa puwesto. Kapag nagkamali sa pagboto, walang ibang apektado kundi ang mamamayan. Pipilitin nilang tanggapin ang ibinoto at lulunukin ang anumang gawin nito.
Ngayong araw na ito, bago magtungo sa mga presinto na bobotohan, gumawa na ng mga listahan ng mga tiyak na iboboto. Sa paraang ito, hindi na mag-iisip at maayos na maisasagawa ang pagboto. Kung may listahan, hindi na maiimpluwensiyahan ng iba pa sapagkat pinal na ang nasa listahan.
Maging matalino na sa pagboto ngayon elek-siyon na ito. Simulan ang pagbabago sa mahusay na pagpili ngayong election na ito. Dito magbabago ang bansa.
- Latest