Pssssttt! Bawal ang bad words lalo na kung ang bumibigkas ay isang babaeng opisyal ng Commission on Elections dito sa first district ng Davao City. Nagsimula ang lahat nang hindi naiwasan ni Atty. Aimee Ampoloquio na ilabas ang kanyang pagkadismaya sa ilang board of election inspectors dito na nagkamali sa kanilang mga nakatakdang alituntunin.
Medyo hindi nakuha ng maayos ng mga BEI ang tamang paraan sa pag-operate ng Precinct Optical Count Scan (PCOS) machines nang ginanap ang testing and sealing ng mga nasabing machines nitong nakaraang lingo. Siguro hindi matantu ni Ampoloquio kung paanong hindi pa rin makuha ng mga BEIs ang tamang paraan gayong dumaan na sila sa ilang training at seminar sa tamang pag-gamit ng PCOS machies para sa halalan bukas.
Hayun at nakapagbulaslas si Ampoloquio ng mga di ka naisnais na salita gaya ng ‘forgetful at stupid’ sa mga nasaÂbing BEIs na mga guro rin sa ating mga paaralan.
Hinihingi ng Department of Education Region XI officials na dapat mag-issue si Ampoloquio ng public apology sa isang meeting noong Biyernes ng umaga sa pagitan ng DepEd XI at Comelec officials. Napabalitang nagwalk-out si Ampoloquio sa nasabing meeting dahil nga raw sa patuloy na paghihingi ng mga taga-DepEd ng public apology niya sa mga guro na magsisilbing BEI bukas.
Ngunit sa halip na si Ampoloquio ang humingi ng tawad ay si Comelec Region XI director Jay Balisado na ang huÂmingi ng paumanhin para sa inasal ni Ampoloquio.
Sinabi ni Dodong Atillo, na spokesman ng DepED XI, tinanggap nila ang apology ni Balisado ngunit hindi makalimutan ng mga guro ang mga binigkas ng Ampoloquio.
Sana maisip din ni Ampoloquio na hindi naman pang habambuhay ang kapangyarihan bilang Comelec official at ‘yong 15 minutes of fame niya sa television at radio o maÂging sa newspaper ay matatapos din bukas o sa makalawa pagkatapos ng halalan bukas. At tiyak na babalik uli ang mga taga-Comelec sa limelight pagkatapos ng tatlong taon para sa 2016 presidential elections.
Sa panahon na gaya ng halalan bukas hindi kailangan ng sambayanan ng mga maanghang na salita lalo na kung pinapatutsadahan ay ang ating mga guro na silang magsisilbi bilang BEI.
Iisa lang ang dapat isipin ng mga opisyal ng ating pamahalaan na gaya ni Ampoloquio--- na mahalaga ang respeto. Respeto para sa kapwa mga nasa gobyerno at lalong lalo na sa mga mamamayan na inyong pinanumpaang pagsilbihan.
At higit sa lahat, respeto sa sarili kung ayaw ni Ampoloquio na maging tampulan ng usap-usapan ng bayan. Respeto, ‘yon lang.