‘Palaboy’

BATAK ang leeg, paikut-ikot ang mata habang nakaangat ang ulo… nakatingin sa langit.

“Parang kinakausap niya ang Diyos,” pahayag ni Tes.

Ganito sinalarawan ni Marites De Vela o “Tes” ang kondisyon ng 27 anyos na anak na si Mandie. Paniniwala ni Tes, ang matinding pagkaalog ng utak ng anak ang dahilan ng kalagayan niya ngayon.

Pang-apat sa anim na magkakapatid si Mandie. Hiwalay si Tes at asawang si Samuel o “Sam” kaya si Mandie na ang tumulong sa pag-aaral ng dalawang nakababatang kapatid sa Bicol.

Pinilit makapagtapos ng Mandie ng 2-year course na ‘automotive’ sa Naga City. Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pamamasada ng traysikel.

“Gusto niya talagang makatapos para sa mga kapatid niya,” ani Tes.

Taong 2000, umaga habang pumapasada si Mandie bigla na lang may humataw ng bote sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo. Kwento ni Tes, napagkamalang kalaban ang kanyang anak.

Kinasuhan sila ni Mandie subalit ng  humingi ng tawad at nagmakaawa inatras nito ang kaso. “Pinagamot na lang nila ang putok na ulo ng anak ko,” sabi ni Tes. Inabot man ng disgrasya sa daan hindi pa rin tumigil sa pagtatrabaho ang anak. Hanggang nakapagtapos siya. Nagsimula siyang magtrabaho sa talyer.

Kabubuhat nito, nagkaroon naman siya ng luslos. Nagdesisyon si Tes na paluwasin ng Maynila ang anak para ipagamot. Tumira sila sa Muntinlupa sa Tabing Dagat.

Paglalako ng tinapa ang kinabuhay ng mag-ina. Gamit ang kanyang ‘mountain bike’... Abril 2010, habang nagdi-‘deliver’ ng tinapa si Mandie sa Purok II bigla na lang daw siyang sinapul ng trak ng tubig.

Talsik si Mandie. Napahiga siya sa kalsada. Sa lakas ng pagkakabundol umotso-otso (pumilipit) ang bisikleta nito. Himalang nakaligtas si Mandie.

“Ni wala siyang sugat… galos lang. Ayun ang sabi ng anak ko,” ayon kay Tes.

Kalugar din nila ang may ari ng trak kaya’t ang naging usapan nila bayaran na lang ang sirang bisikleta na umabot sa halagang Php800.

Hindi na nagpatingin si Mandie sa doktor. Lumipas ang tatlong linggo nakaramdam siya ng matinding sakit ng ulo. Sumunod ang paglalaway nito at paninigas. “Napansin kong para na siyang robot kung maglakad…naninigas!’ pagsasalarawan ni Tes.

Pinilit ni Tes si Mandie na magpatingin sa doktor subalit giit nito, “Okay lang ako mama!”

Nakapagtrabaho pa sa ‘surplus appliance shop’ si Mandie nung buwan na iyon subalit pansin na nila ang pagkabalisa at pag-iba ng kanyang ugali. Pinamimigay na nito sa kanilang mga suki ang nilalakong tinapa.

Hunyo 2010, makalipas ang kaarawan ni Mandie, bigla na lang itong umalis ng bahay dala ang hiniram ‘tool box’ gamit sa pagmemekaniko.

Inakala nilang ibabalik lang ito ni Mandie sa may-ari subalit siyam na araw na hindi pa rin ito bumabalik. Dito na sila nagsimulang mag­hanap.             

Ikinalat nila Tes ang mga larawan ng anak sa kanilang lugar at kalapit na barangay. May nakapagsabi sa kanilang nasa Tambo, Bac­laran ito pagala-gala… naglalakad at wala sa sarili. Pinuntahan siya ng amang si Sam. Naabutan na lang nila si Mandie na nakayapak… lakad-robot at nakatingala.

Diniretso nila sa National Center for Mental Health, Mandaluyong si Mandie. Kinausap siya ng isang Psychiatrist dun. Nakakasagot naman ng tama si Mandie subalit may pagkakataong blanko raw ito.

“Tinanong ako ng doktor kung nabagok ba ang anak ko? Naisip ko minsan na siyang napalo sa ulo at nabundol ng trak…” wika ni Tes.

Binigyan si Mandie ng gamot. Pinayuhan din siyang sumailalim sa CT-Scan subalit nadala sa gamot ang anak, nagpasya si Tes na ibalik muna ito sa Bicol.

Umayos ang kundisyon ni Mandie. Sa katunayan nakapagpasada pa itong muli ng traysikel. Hangang Hulyo 2012, nagulat si Tes ng bigla itong umuwi ng Maynila. “Ma, yung tricycle ko naiwan ko sa highway…” panimula ni Mandie.

Bumalik na naman ang sakit ni Mandie. Agosto 2012, kasagsagan ng Habagat bigla itong sinumpong, “Ma, uwi na ako ng Bicol. Bumabaha na ang buong Muntinlupa dahil sa’kin!” takot na sabi ng anak.

Kinabahala ng ina ang kinilos at mga sinasabi ng anak kaya’t magdamag niya itong binantayan subalit nakaidlip si Tes. Bandang 2:00 AM… paggising niya wala na ito, natakasan na siya.

Sinubukan ni Tes at ibang anak na hanapin si Mandie sa buong Muntinlupa subalit hanggang ngayon hindi pa rin nila ito mahanap.

“Sinuyod ko na ang buong Parañaque. Pati sa Laguna nakara­ting ako. Nagtanong na rin ako sa loob ng mental hospital…nagbabakasakali, maging sa DSWD at Boys Town… pero wala si Mandie,” pahayag ni Tes.

Ayon sa mga nakakita kay Mandie, pagala-gala ito at kung saan-saan napapadpad. May nakakita raw sa kanya sa Metropolis, Alabang. Madungis, puno ng duming itim ang katawan, naglalaboy…isa ng taong grasa.

Gustong mahanap ni Tes ang anak para maipagamot dahilan para magpunta siya sa amin.

Itinampok namin siya sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN) Pakiusap ni Tes, ilathala ang istorya ni Mandie at larawan nito sa aming pitak para maiparating sa amin kung sino mang nakakaalam kung nasaan siya.

Para sa may impormasyon kung sa kinaroroonan si Mandie makipag-ugnayan lamang sa mga numero sa ibaba. Huling nakita si Mandie na nakasuot ng kulay ‘brown’ na t-shirt at ‘maroon’ na short. Ang kanyang palatandaan, may malaki siyang pilat sa kaliwang ulo. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen)/09213784392(Pauline) /09198972854 (Monique). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

 

Show comments