SA wakas ay hawak na rin ng Comelc ang Source code na nagÂlalaman ng instructions para sa mga PCOS machines na gagamitin sa Lunes. Habang sinusulat ito ay kasalukuyang pinupulong ng Comelec ang mga interesadong partido kasama na ang mga political parties upang masagot ang mga katanungan ukol dito. Kung bakit ngayon lang na gipit na sa oras ilalabas at hahayaan itong suriin ng publiko ay isang katanungang mahirap sagutin. Gayunpaman ay kailangang pilitin ang inspeksyon at pagkilatis sa nalalabing mga sandali bago mag eleksyon nang maiwasan ang mga isyu tungkol sa pagkalehitimo ng mga resulta.
Ayon sa mga ekspertong local, aabot sa apat hanggang anim na buwan ang kakailanganing panahon upang masiguro na ok at hindi inareglo ang nilalaman ng source code pabor sa ilang kandidato. Four months laban sa 3 days na binibigay ng Comelec. Masisisi ba si dating Commissioner Gus Lagman sa nasabi nitong “natatakot†siya? Kung hindi sapat ang oras na makapaginspeksyon at matuloy na ang paggamit nito sa PCOS at pagkatapos ay makitang may may diperensya – ano na lamang ang sasabihin ng mga natalo? Magigimbal ang bansa sa magiging epekto nito sa kredibilidad at pagkalehitimo ng mga resulta ng halalan.
Sa ngayon ay tila sapat na para sa Comelec na naiprodyus nila ang matagal nang kinasasabikang source code nang matigil na ang mga hinalang mayroon silang hindi nais ilabas. Pero tama ang mga kumukontra dito. Ano ang pakinabang ng taong bayan sa isang source code na hindi naman napurbahan tulad ng minamando ng mismong batas?
Pagpapasyahan ng Mataas na Hukuman ang petisyon na kumukuwestiyon sa isang halalang walang source code. Ngayong dumating na ito, hihintayin marahil ng Korte kung magkaroon nga ng pagkakataong masuri ito ng mabuti. Kung maging malinaw na sobrang gipit na ang oras para dito, saka lang siguro magdedesisyon kung itutuloy ang pagpasa ng hatol sa petisyon na maaring magpatigil pansamantala sa nakaiskedyul nang halalan. Isa itong napakabigat na desisyon. Subalit higit na malaking problema ang pagtuloy ng isang eleksyon na gumagamit ng mga instrumentong hindi mapurbahan.