PROBLEMA pa rin ang trapik sa Metro Manila. At wala namang maibigay na pangmatagalang solusyon ang pamahalaan kung paano ito mapapagaan. Ngayong panahon ng election, lalo pang tumindi ang trapik dahil sa kaliwa’t kanang kampanya.
Noong nakaraang taon, inireport na P137 billion ang nasayang dahil sa trapik. Nakapanghihinayang ang halagang iyon na sana ay nagastos na lang sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan kagaya ng pagpapaospital o pagpapagamot. Malaking tulong sa mahihirap ang bilyones na nasayang.
Kung noong nakaraang taon ay malaking pera ang nasayang, maaaring ngayong taon na ito ay malaki rin ang nawaldas dahil sa trapik. Mas lumubha ang trapik ngayon kumpara noong nakaraang taon. Sa EDSA ay walang pagbabago at lalo pang naging bumper-to-bumper ang mga sasakyan. Ang dating isang oras na biyahe mula Monumento hanggang Pasay ay inaabot ngayon ng dalawang oras. Sa Aurora, Cubao, ay walang pagbabago sapagkat maraming bus na nakahambalang sa gitna ng kalye. Wala namang kakayahan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na suwetuhin ang mga sutil na bus driver. Noon pa problema ang mga bus na nagbaba at nagsasakay sa gitna ng kalsada pero hindi kayang itaboy ng mga traffic enforcers. Maaaring “nag-aabot†sa mga tiwaling enforcers kaya nagagawa ang gusto nila sa kalsada.
Lumutang ang plano ng DOTC na paglalagay ng dalawang bus terminal sa south at isang bus terminal sa north. Hindi na umano makakapasok sa Metro Manila ang mga bus na galing probinsiya na humigit-kumulang ay 8,000. Maganda sanang ideya ito kung maisasakatuparan. Ang hirap sa mga opisyal ng pamahalaan, maraming plano pero walang aksiyon.
Bakit hindi paigtingin ang paghuli sa mga colorum na bus para lumuwag ang trapik. Kung mawawala ang mga colorum sa EDSA, mababawasan ang trapik at wala nang masasayang na bilyong piso.