Red tape sagabal sa hanapbuhay
WALA nang ibang mahingan ng tulong, dumulog sa DZMM ang isang overseas worker. Dati siyang construction engineer, pero hindi na nag-renew ng professional license mula mag-abroad nu’ng 2006. Umuwi siya nu’ng katapusan ng Abril kasi kailangan ng up-to-date license sa bagong trabaho. Pero sabi sa Professional Regulatory Commission na meron nang nag-renew ng license niya, three years validity hanggang 2015, nu’n lang Hunyo. Du’n niya raw kunin ang license niya sa tao na in-authorize umano niya na mag-renew para sa kanya, anang PRC bureaucrat.
Ipinaliwanag ng engineer na wala siyang in-authorize na mag-renew, dahil ngayon lang niya kinailangan ang license, kaya siya mismo ang nag-a-apply. Kung gan’un, anang bureaucrat, rerepasuhin nila ang records. Pormal silang liliham sa aplikante sa Mayo 7, ngayong araw. Nakiusap ang engineer na sana’y bilisan ang pagrepaso, dahil babalik na siya sa overseas work kahapon, Mayo 6.
Dahil walang kasiguruhan ang pag-iisyu ng license niya, sa radyo nanawagan ang engineer. Kinausap sa ere nina public service anchors Kaye Dacer at Julius Babao ang bureaucrat. Ikinatwiran ng huli na hinahanap pa nila ang 2012 authorization letter, miski wala namang ibinigay ang engineer. Maghintay na lang daw ang aplikante. Umalis ang engineer na walang license; malamang mapurnada ang bagong trabaho.
Nakakasira ng hanapbuhay ang red tape.
Sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, daan-daang aplikasyon ng prankisa ng bus, taxi, jeepney, at tricycle ang nakatengga nang halos isang taon na. Hindi tuloy maibiyahe ang mga public utility vehicles. Walang kinikita ang operators at drivers. At ‘yung brand-new vehicles, kung makuha na ang prankisa, inaabot naman nang anim na buwan ang Land Transportation Office para mag-isyu ng license plates. Sira ang munting negosyo ng operators.
Dapat pagmultahin ang mga bureacrat na mahilig sa red tape.
- Latest