HINDI lang aksidente sa kalsada ang dinudulot ng ilang bus sa Metro Manila, ang mga ito rin ang nagdudulot ng grabeng air pollution. Karamihan sa mga bus ay mga luma na sapagkat galing pa sa Japan at China. Ang mga basurang bus ay dito dinadala at nagsasabog ng lason. Walang tigil ang pagdagsa ng mga segunda manong sasakyan sa ilang port sa bansa.
Ayon sa Department of Environment and Na-tural Resources (DENR) ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution. Walumpung porsiyento ng emissions ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng commuters. Araw-araw, pumapasok sa baga ang maruming usok. Unt-unti ang pagpatay. Kung hindi mapipigilan ang mga nagbubuga ng usok, maraming mamamatay.
Sabi ng DENR, maglulunsad sila ng smoke belching campaign para mabawasan ang mga nagbubuga ng hanging may lason sa kapaligiran. Magpapakalat daw sila ng operatives sa mga panguna-hing kalsada. Uunahin daw nila ang mga bus at dyipni na nagbubuga ng maitim na usok. Sisiguruhin daw nilang walang makalulusot na smoke belchers. Pero tila “bulaklak†lang ng dila ang sinabi ng DENR sapagkat marami pa ring bus, dyipni, taxi at iba pang sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok. Nasaan na ang kampanya ng DENR? Nagningas kugon na?
Kapag hindi nagbago ang kalidad ng hangin, maaaring magkatotoo ang isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na matitirahan ang Metro Manila. Sa umaga pa lamang, mapapansin na ang nakabalot na usok (smog) sa kapaligiran. Ang usok ang nalalanghap ng mga tao at nagdudulot ng sakit sa respiratory system. Kapag marami ang nagkasakit, gobyerno rin ang babalikat at masasaid ang pera ng bayan.
Hindi sana balewalain ng pamahalaan ang problema sa air pollution. Kawawa ang mga susunod na henerasyon. Paigtingin ang kampanya laban sa mga sasakyan na nagbubuga nang maitim na usok. Makiisa rin ang mamamayan sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga nagpaparumi sa kapaligiran.