DALAWANG klase ng PR (press release) ang ipinakaka-lat ng mga politikong nagtutunggali sa darating na May 13 midterm polls: “bulok†propaganda at puro-paganda. Ano ang kaibahan ng dalawang ito?
Yung bulok-propaganda ay paghalukay sa baho ng mga kandidato na talagang puspusang nire-research ng mga kalaban at ipinapakalat sa media para tabangan ang mga tao sa pagboto sa mga kandidatong sinisiraan. Ah, iyan ang foul!
Sa kabilang dako, ang puro-paganda ay isang uri ng praise release na naglalahad sa mga magagandang promesa at agenda ng mga kandidato para sila ay “gumanda†sa paningin ng mga manghahalal. Ah..foul din iyan kung pulos pambobola.
Bilang editor at mamamahayag, doon na lang ako siguro sa puro-paganda (but with reservations) at hindi sa bulok-propaganda. Hindi lang kasi kandidato ang natutulungan nito kundi pati taumbayan para malinaw na malaman ang political agenda ng mga taong nami-mingwit ng kanilang boto at suporta.
Kaya lang, kailangan diyan ang fairness at equal space kundi man sa lahat ay sa nakararaming kandidato, partikular doon sa mga walang pondong ibabayad para sa advertising.
Sana naman tumigil na ang mga politiko sa pagbabatuhan ng putik at ang gawin ay ilantad sa taumbayan ang magaganda nilang plataporma para husgahan.
In any case, bulok-propaganda man o puro-paganda, naniniwala akong hindi na malalansi ang botanteng Pilipino dahil marunong na tayong magsuri at mangilatis para malaman kung ang isang balita (mapanira man o nagpapapogi) ay totoo o gawa-gawa lang.
Kaya dapat maging matalino tayo sa darating na eleksyon para piliin lamang yung mga tapat at karapatdapat. Huwag tayong patatangay sa nababasa lang natin at matuto tayong mangilatis. Sa lawak ng karanasan
ng taumbayan sa politika mula pa noong panahon ni Marcos hanggang sa maibalik ang demokrasya, naniniwala ako na umabot na tayo sa magandang antas ng political maturity. Patunayan natin ito sa darating na halalan.