PITONG araw na lamang at eleksiyon na. At habang papalapit nang papalapit ang eleksiyon, hindi na sinusunod ng mga kandidato ang batas sa paglalagay o pagkakabit ng kanilang campaign posters. Kung saan-saan na lang ikinakabit at idinidikit. Hindi na sinusunod na dapat ay sa common designated areas ikakabit ang mga posters. Maraming lugar sa Metro Manila na halos magdilim na dahil sa mga nakakabit at nakasabit na posters, streamers at banners.
Pero sabi ng Commission on Elections (Comelec) hindi sila titigil hangga’t hindi napapagpaliwanag ang mga kandidatong lumalabag sa batas. Ipatatawag nila ang mga kandidatong hindi sumusunod sa alituntunin ng Comelec. Nakikita raw nila ang mga ginagawa ng mga kandidato.
Noong nakaraang Martes, pinagtatanggal ng Comelec ang maraming illegal posters sa Parañaque. Katulong ang Philippine National Police (PNP) at Metro Manila Development Authority (MMDA), unang binaklas ang mga posters na nakadikit sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa Sucat. Bukod sa paglabag sa paglalagay ng posters sa hindi designated areas, marami ring campaign materials ang sobra-sobra sa sukat.
Bukod sa mga nakadikit sa pader, marami ring streamer ang nakakabit sa mga punongkahoy at kahit sa mga waiting shed ay may nakadikit. Pati ang mga stop light at kawad ng cable ay sina-sabitan din. Sabi ng Comelec, hindi nila hahayaan ang mga kandidato na maglagay nang maglagay ng posters sa mga bawal na lugar.
Tama lamang ang ginagawa ng Comelec pero sana hindi lamang sa Parañaque magsagawa ng pagbabaklas. Napakaraming lugar sa Metro Manila na namumutiktik sa campaign posters. Ipakita ng Comelec na sila ang makapangyarihan sa panahong ito at ang mga lalabag ay makakatikim ng parusa. Ipatupad ang batas sa lahat ng kandidato. Kung hindi magpapakita ng tigas o tapang, mananatili ang pagiging abusado ng mga kandidato. Kung sa paglalagay pa lang ng campaign material ay wala na silang disiplina, paano kapag nakaupo na.