May kasabwat nga sila!

NASULAT ko na hindi pa nakasisiguro kung ang magkapatid na Tsarnaev, ang mga hinihinalang nasa likod ng pagbobomba sa Boston Marathon, ay walang mga kasabwat. Ngayon, tatlong tao ang inaresto ng mga otoridad dahil sa hinalang tumulong din sila sa magkapatid. Hindi sila hinihinalang nakibahagi sa pagbobomba mismo, pero iimbestigahan sila kung tinulungan nila ang magkapatid matapos ang pagbobomba. Ang hinala ay pinagtakpan nila ang magkapatid nang sila’y unang inimbestigahan ng mga otoridad. Ang plano yata nila ay sirain ang laptop at backpack na gamit ng magkapatid na Tsarnaev. Dalawa sa mga nahuli ay mga taga-Kazakhstan, habang ang isa ay isang Amerikano.

Ang nakakapangamba ay ang edad ng tatlong nahuli, pati na ni Dzhokhar Tsarnaev. Labinsiyam na taong gulang silang lahat. Ganito kabata, ganito na ang naiisip gawin? Terorismo? Ano ang ginagawa mo noong 19 na taon ka? Hindi ba’t iniisip mo lang kung paano ka mag-eenjoy sa buhay? Kung saan ka makakapunta sa weekend? Kung anong puwede mong gawing gimik kasama ang mga kaibigan mo? Kung paano ka papasa ng examinasyon sa kolehiyo? Siguro naman wala sa plano ninyo ang gumawa ng bomba at itapon sa mataong lugar!

Pero tila ganito nga ang ginawa ng magkakaibigang ito. Hindi na maipagkakaila na may lumason sa pag-iisip nilang lahat, kasama ang napatay na kapatid na si Tamerlan. Malamang ginamit na naman ang relihiyon para kumbinsihin na masama ang Amerika at kailangan nitong bayaran ang mga ginawang “kasalanan” sa kanila. Lahat ng panlalason na iyan ay nauwi sa pagpatay sa tatlong inosenteng tao at daan-daang nasaktan.

Kasalukuyang ginagamot sa isang ospital si Dzhokhar Tsarnaev. Sa paghuli ng tatlo niyang kaibigan, dapat malaman na kung sino ang nasa likod ng panlason sa kanilang isipan. Mga estudyante sila sa kolehiyo. Pwedeng sabihin na edukadong tao na sila. Pero naisip pa rin nilang gawin ang kanilang umanong ginawa sa Boston. Doktrinang lason na lang talaga ang makakagawa niyan sa isipan ng isang batang mag-aaral.

Isipan na sa maling kamay ay mahuhubog para maging isang sandata.

 

Show comments