^

PSN Opinyon

‘Sentensyadong sanggol’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SA MGA BANSA sa Gitnang Silangan mahigpit sila sa mga batas kapag moralidad ng mga babae ang pinag-uusapan. Ang may-asawang babae kapag nangaliwa kamatayan sa pamamagitan ng pambabato (death by stoning) ang kahaharapin nito.

Mahigpit din sila sa mga dalaga sa pakikitungo sa mga lalaking hindi nila asawa.

“Sir Jess, yung amo ko po binubugaw ako sa mga kaibigan niyang Arabo…” Ito ay pahayag galing umano kay Zaenney “Shayne” Llanera, 31 anyos nang nagsimula ng lahat ng kanyang problema sa ‘abroad’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Jesus Llavore o “Jess”, 64 na taong gulang ng Cainta, Rizal. Hinihingi ng tulong ang kababayan at dating katrabahong si Shayne taga Bicol, Albay.

Taong 1960’s pa ng lumuwas ng Maynila si Jess galing Albay.

Mula taong 1975 nagtrabaho si Jess sa pagawaan ng gamot. Taong 2005, ng pumasok sa parehong kumpanya si Shayne  bilang ‘packer’. Sa grupo ni Jess siya napunta. Napag-alaman ni Jess na tubong Albay din ito si Shayne.

Mula nun anak ng itinuring ni Jess si Shayne. Si Shayne lang ang bumubuhay sa inang may sakit sa puso at amang may kahinaan na ang pangangatawan. “May pagkakataong sobrang gipit sila sa akin siya umuutang,” pahayag ni Jess.

Hirap maghanap ng trabaho si Shayne kaya’t ang kanilang sari-sari store lang ang pinagkakakitaan niya. Madalas pa rin siyang kinakapos kaya naman March 2012 nang magbalik-bayan ang isa niyang kapitbahay galing Dubai, nahikayat siyang sumubok mangibang bansa.

“Noon pa lang pangarap na ng batang yan mag-abroad. Nakwento niya sa akin na marami siyang pinsang nagtatrabaho sa ibang bansa,” ani Jess.

Inalok siya ng kapitbahay na mag-apply sa isang ahensya sa Maynila. Sumunggab agad si Shayne. Matapos siyang tulungang mag-ayos ng mga dokumento, ika-14 ng Marso 2012 nakapunta siya ng Dubai.

Pinakiusapan niya si Jess na kung maari, tignan-tignan niya ang ina’t ama nito. “Sir Jess, kayo na po munang bahala kina Nanay at Tatay, ” ani Shayne.

Domestic Helper (DH) ang trabaho ni Shayne sa Dubai. Isang araw bigla na lang tumawag si Shayne kay Jess. Sumbong umano nito, “Sir Jess, yung amo ko po binubugaw ako sa mga kaibigan niyang Arabo…”

Kuwento ng dalaga, tuwing Biyernes… ‘off’ niya pinipilit umano siyang ipakilala ng amo sa lalaking Arabo. Tuminggi rraw siya kaya’t pinaalis siya ng bahay. Nanatili siya sa embahada itong si Shayne. Umekstra raw siya sa mga trabaho dun kasama ang iba pang Pinoy at Pinay na kanyang naging barkada.

“Kada Biyernes daw… umiinom sila. Pampalipas oras… yun ang sabi niya sa akin,” ayon kay Jess.

Marso 2013, tumawag na lang sa kanya si Shayne at sinabi umanong, “Sir Jess, may problema ako. May nagsumbong na buntis ako…”

Nagulat si Jess, dun lang daw niya nalaman buntis si Shayne. Sinabi ni Shayne sa kanyang bawal ang mabuntis dun. Pinayuhan ni Jess ang dalaga na aminin na sa mga magulang ang pinagdadaanan niya sa Dubai subalit pagdidiin nito, “ ‘Wag po muna…baka atakihin si Nanay!”

Nitong huli, Abril 15, isang gabi muling nakatanggap ng tawag si Jess kay Shayne… nakakulong na siya sa Dubai. Nakiusap si Shayne na tulungan siyang makalabas ng kulungan at makabalik ng bansa kaya nagpunta sa’min si Jess.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

Bilang agarang aksyon, ini-email namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs ang mga impormasyong nalalaman ni Jess tungkol kay Shayne.

Abril 18, 2013, nakatanggap kami ‘email’ galing kay Consul-General Frank R. Cimafranca, ng Consulate General of the Philippines sa Dubai, United Arab Emirates. Sinalaysay ni Consul-General Cimafranca, ang pangyayari hinggil sa kaso ni Shayne:

Abril 1- ng mapunta sa POLO-OWWA Center sa Dubai si Shayne. Napag-alamang siya’y buntis out-of-wedlock (labas sa matrimonya ng kasal) at inisyu ang kanyang ‘visa’ sa Abu Dhabi.

Abril 4- pinapunta siya sa POLO Abu Dhabi para tulungan siya sa pagbalik sa Pilipinas. Ayon kay Labbatt Crisostomo  ng POLO dun, kinailangan nilang inindorso si Shayne sa awtoridad dahil ang kanyang pagbubuntis ay kanilang kinabahala subalit tumanggi si Shayne sa mga pulis. Bumalik siya sa Dubai at nanatili sa mga kamag-anak.

Abril 14- bumalik siyang muli sa kanyang ahensya (Explorer) upang magtanong kung puwede pa siyang magtrabaho dun. Sa takot ng ahensya na managot sa pagtago ng krimen, isinuko ng Explorer si Shayne sa mga pulis-Murraqabat, kung saan nakabinbin ang pagdinig ng kanyang kaso.

Dahil sa mga kaganapang ito, si Shayne ay mananagot dahil sa kasong ‘immorality’ at mabibilanggo. Matapos ang kanyang sintensya, ipade-deport siya sa Pilipinas at pagbabawalan na siya sa pagtatrabaho(banned)  sa UAE at iba pang estado ng GCC.

Ayon kay Consul General Cimafranca, inutusan na nila ang kanilang ATN staff para bisitahin si Shayne sa Murraqabat Police Station upang alamin ang kanyang kalagayan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Sa ganitong kaso, hindi basta maaring mapauwi si Shayne. May batas ang Dubai at kailangan dumaan sa paglilitis itong si Shayne.

Ipinaliwanag namin kay Jessie na merong tinatawag na ‘Sharia Law’ o ‘Islamic Law’ ang mga bansa sa Middle East gaya ng Dubai. Sa kaso ni Shayne, siya’y makukulong at matapos ang kanyang sentensya saka siya ipapa-deport dito sa Pilipinas. Hindi na siya makababalik pa sa bansang Dubai.

Kung totoo ang kuwento ni Jessie sa amin, na bunga ang lahat ng problemang ito ni Shayne dahil sa pagsama-sama niya sa mga barkadang Pinoy sa Dubai na wala naman umanong magandang naidulot sa kanya, maaaring dala ito ng pagkalungkot o dahil wala siyang magawa kaya naging pabaya siya sa maraming bagay. Walang masamang makipagsaya sa ibang bansa subalit matuto tayong bumitaw sa mga kasamang alam naman nating sa dulo ay problema lang ang dulot.

Para sa magulang ni Shayne sa kanilang pangamba kung ano ng kalagayan ng anak, siniguro ng taga embahada na tinututukan nila ang kasong hinaharap ng Pinay. Ano man ang balitang makarating sa amin agad naming ihahatid sa inyo.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Chen) /09213784392(Pauline)/09198972854 (Monique). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th flr. CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

ABRIL

DUBAI

JESS

KANYANG

KAY

SHAYNE

SIR JESS

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with