PANAY ang bida ng pangkat ni P-Noy sa 6.6 percent growth rate ng bansa at ng positibong rating nito mula sa international ratings and credit agencies. Music to the ears, ika nga, ang ganitong pagkilala para sa isang administrasyon na lumalabang pagandahin ang ekonomiya. Kapag tumataas at positibo ang growth rate, ibig sabihin ay umaasenso ang lipunan. Kaya bakit, sa kabila nito, ay hindi pa rin bumababa ang poverty rate ng Pilipinas? Ayon sa mismong istatistika ng pamahalaan, ang poverty rate ng 2012 ay halos walang pinagkaiba sa poverty rate ng 2006 at 2009. Sa pinakahuling SWS survey, tumaas pa ng isang milyong katao ang mahihirap hambing sa bilang nuong Disyembre 2012.
Isa lang ang kinikilalang ugat ng walang patid na kahirapan: Ang kawalan ng trabaho. Sa makatuwid, ang growth rate na binibida ay huwad. Dala ito ng mga remittance lang ng OFW, ng smuggled goods dahil hindi naman nagbabago ang mga pigura ng ating inaangkat na gamit – mababa pa rin.
Dahil ang kahirapan ay direktang resulta ng kawalan ng trabaho, malinaw na trabaho or jobs ang hinihingi natin sa pamahalaan. Hindi naman nagkukulang ang pribadong sector sa pagkakataong binibigay sa ating work force subalit hindi ito maasahang magbigay ng solusyon sa kabuoang problema. Ito ay responsibilidad ng pamahalaan. Kung kaya ang programa ni Manong Ernie Maceda at ng kanyang kasamahan sa UNA senatorial ticket ay ang ambisyosong master plan upang agad makapagbigay ng abot limang milyong trabaho sa ating mga unemployed. Una rito ang pag-triple sa ginagastos ng DPWH sa infrastructure. Mula sa kasalukuyang 152 bilyon itaas dapat sa 700 bilyon. Tingnan natin kung hindi pumutok nang husto ang pagkakataong makapagtrabaho. Isa rin ang pagpapautang ng DTI sa mga small at medium sized businesses. Dapat ito ay palawakin lalo. Sa ngayon ay 50 thousand lang ang nakikinabang sa lending program. Dapat ay isang milyong entrepreneur ang nabibigyan upang mapadami din ang pagkakataon makapagtrabaho sa kanilang negosyo.
Bahagya lang ito ng detalyadong master plan for jobs ng kathang isip ni Senator Ernie Maceda. Kaya naman nating lampasan ang kritikal na sitwasyong ito kung tayo’y magtutulungan. Aanhin ang yabang sa positibong growth rate kung hindi naman nararamdaman ng tunay na nangangailangan ang benepisyo nito.