Pabayang opisyales, tsuper inuubos tayo
MERONG kasabihan na sa unang paggawa ay pagkakamali, pero sa ikalawa ay pagsadya. Siguro sa ikatlo, pag-uugali na!
Nu’ng Hulyo 2000 ginuho ng bagyo ang mahigit 70 feet na tambak na basura sa Payatas, Quezon City. Mahigit 200 tao ang namatay at 300 pa ang nawala; 80 bahay ang natabunan. Kapabayaan ang ibinintang na pagkakamali ni Mayor Ismael Mathay, na dapat isinara na ang dump.
Naulit ito nu’ng Agosto 2011 sa Tuba, Benguet, nang tibagin ng ulan ang riprap ng Irisan dump sa karatig na Baguio City. Sa ilalim ng 1,500 tonelada ng basura, 22 ang namatay, 12 ang nawala, at 24 bahay ang nawasak. Sinisi si Mayor Mauricio Domogan ng sadyang pagbingi-bingihan sa pitong taon ng pagbabala ng mga taga-Irisan ng panganib.
At nitong nakaraang linggo apat na empleyado ang natabunan ng tambak na basura sa Rizal Provincial Sanitary Landfill habang umuulan sa bayan ng Rodriguez. Mali na tawaging landfill ang facility. Sa landfill, pinipitpit at tinatabunan ng lupa ang basura, pero doon ay tinatambak lang hanggang tumaas, tulad ng sa Payatas at Baguio.
Ugali na ba ng opisyales ng Rizal, ng Rodriguez, at ng kapuluan na pabayaan ang kaligtasan ng mamamayan – habang kinokotongan ang kontrata sa basura? Aba, tungkulin nilang alagaan ang ating kapakanan!
Heto ang isa pang ehemplo ng kapabayaan. Araw-araw sa buong bansa dose-dosenang mamamayan ang nasasawi o nababalda sa bunggo ng motorsiklo, tricycle, kotse, taxi, jeepney, bus, at trak. Nagmamaneho o nakikisakay lang sila o tumatawid ng kalye nang bundulin ng pabayang tsuper. Hindi na sila makakasalamuha o makalalakad muli. Isa sa kanila si coed Marie Cherrie Inson, 20, na habang nag-aabang ng jeep ay pinatay sa dagan ng cement mixer sa kalye nitong linggo. Nasaan ang opisyales?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest