EDITORYAL - Pasado ang BI sa red tape survey?

ANO ba ang pagkakaiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Bureau of Customs (BOC), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Bureau of Internal Revenue (BIR)? Silang apat ay nahahanay sa mga tanggapang namumutiktik ang corruption. Ang tingin nang marami sa apat na tanggapan ay pinamamahayan ng mga “gutom na buwaya”. Noon pa, kilala na ang apat na tanggapan sa tindi ng mga nangyayaring katiwalian.

Pero nang magsagawa ang Civil Service Commission (CSC) ng red tape survey noong nakaraang buwan, pumasa ang BI. Ayon sa CSC, nakakuha ang BI ng 87.54 percent na may descriptive rating na “Good”. Ang pagkakapasa ng BI ay siyempre pang pinagmalaki ng mismong commissioner ng tanggapan. Malaking karangalan na makapasa sa red tape survey. Ang survey ng CSC sa BI ay naka-focused sa frontline services delivery, service quality­, physical working conditions, at overall client­ satisfaction. Ang survey ay ginawa umano sa BI main office sa Maynila.

Habang ninanamnam ng mga taga-BI ang tamis ng pagkakapasa sa red tape survey, wala nang balita sa pagkakatakas ng Korean fugitive na si Park Sung-jung. Tumakas si Park noong Marso 19, 2013 habang nasa custody ng BI. Mismong si Justice Secretary Leila de Lima ay nagsabi na malaki ang pananagutan ng mga taga-BI sa pagkakatakas ng Koreano. Ayon kay De Lima, nakapagtataka kung bakit naisyuhan ng working visa si Park noong Agosto 2012 gayong nasa process na ito ng deportation sa kanilang bansa. Si Park ay wanted sa Seoul dahil sa $25-million investment scam.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may naka­takas na Korean habang nasa custody ng Immigration. Noong 2011, nakatakas din si Kim Tae-dong. Wanted si Kim sa Seoul dahil sa panloloko.

Ano nang balita sa Korean fugitives? Wala na. Nasaan na ang BI agents na sangkot sa pagkakatakas ni Park? Sinibak o nasa puwesto pa?

Hanggang ngayon, malaking palaisipan kung bakit nakapasa sa red tape survey ng CSC ang BI?

 

Show comments