NOONG 1988, nang unang maibalik sa Metro Manila ang karapatang muling maihalal ang kanilang mga kongresista at konsehal – isang karapatang tinanggal sa ilalim ng matagal na panahon ng martial law – isa ako sa mga pinagpalang mailuklok sa puwesto sa pamahalaang lungsod ng Maynila bilang konsehal. Bilang batambatang kandidato, tanging ang aking distrito na 4th district ng Maynila ang kinamulatan. Sa kampanya ko na lamang natutunan, nang pinagsasama ang buong line up ng aming partido tuwing may press conference o general meeting, na anim pala ang kabuuang bilang ng distrito sa Maynila.
Kung nagulat ako sa dami ng distrito ng Maynila, naÂbigla rin ako sa kakaunting bilang ng distrito ng aming kapitbahay sa Norte, ang pinakamalaking lungsod sa Metro Manila na Quezon City. Kahit higante ito kapag ikumpara sa Maynila (magkakasya yata sa loob ng isang distrito ng QC ang buong City of Manila), ang bilang ng distrito nito ay aapat. Lumalabas na kahit malaki ang land area ng huli, mas marami naman ang residente ng una kaya’t binigyan ng higit na maraming distrito ang Maynila bilang pagkilala na ang dami ng botante nito ay kinakailaÂngan din ng karampatang bilang ng kakatawan sa kanila.
Mula 1988 hanggang sa kasalukuyan, biglang pumutok ang populasyon ng QC kapag ihambing sa Maynila. Kasing aga ng 1992 ay bumaba pa nga ang census ng populasyon ng Maynila at humabol naman ang QC. At patuloy na dumami ang mga residente ng QC hanggang naungusan na nga nito ang Maynila bilang pinaka-mataong lungsod nitong nakaraang mga taon.
Bilang pagkilala rito ay pinasya ng Kongreso ng umukit na nga dalawa pang karagdagang distrito sa QC – mula sa apat, ngayon ay anim na rin ang kanilang Congressional at City Council districts. From 4 to 6 Congressmen at from 24 to 36 Councilors. Ang bagong 5th at 6th districts ng QC ay hinimay mula sa dating pinakamalaking 2nd district.
Matagal nang hinihintay ng residente ng QC ang pagkilala at pagbigay ng representante sa kanilang lumaking populasyon upang mapangatawanan ang pangako ng Saligang Batas at ang ideyang haligi ng lahat ng demokrasya na ang timbang ng boto ng bawat isa sa atin ay pantay pantay.