10 puntos sa reporma

ANANG kaibigan kong Ike Gutierrez na spokesman ni dating Presidente Joseph Estrada na kumakandidato sa pagka-mayor ng Maynila, “sampung puntos” ang dapat pagtuunan para sa maayos na pamamahala sa lungsod.

Una, sa dami raw ng mga informal settlers, kailangan ang maayos na pabahay para sa kanila.  Ayos iyan pero aanhin ang maayos na pabahay kung wala namang trabaho? Diyan pumapasok ang ikalawang puntos: Paglikha ng maraming trabaho at programang pangkabuhayan. Ayon sa UP survey, umaabot sa 10 porsyento ng mga taga-Maynila o 160,000 katao ang walang trabaho. Dahil sa karalitaan, nagkukulang ang serbisyong medikal. Kaya ang ikatlong puntos ay malawak na programang medikal at pangkalusugan lalu na sa pagsugpo ng mga sakit tulad ng AIDS at TB.

Dapat din aniyang tutukan ang programang pang-edukasyon para maging abot-kaya ng lahat. Ang edukadong sambayanan ay susi sa maunlad na bayan, iyan ang ikaapat na puntos.

Panglimang puntos: Dahil din sa karukhaan ay  dumarami ang kriminal kaya kasabay ng pagpapaunlad sa ekonomiya ay dapat ding gumamit ng “kamay na bakal” para tiyakin ang  peace and order.

Ayon pa kay Gutierrez, bilang pang-anim na puntos, kailangan ang programa para sa proteksyon ng mga kabataan, kababaihan at mga nakatatanda o senior citizens.

Pang-pitong puntos, dapat magsagawa ng programang pangkalinisan at proteksyon ng kapaligiran kasama ang wastong pagtatapon ng basura. Dagdag ni Gutierrez, bilang pangwalong puntos, kailangang pagyamanin ang mga merkado, pantalan at mga tourist spots na  potensyal na pagkakakitaan ng pondo.

Pang-siyam na puntos aniya ay ang ang determinadong pagsugpo sa lahat ng uri ng korapsyon at pagpapatupad ng lantad na koleksyon ng buwis at pagsasapubliko sa lahat ng gastusin ng gobyerno.

Pang-sampung puntos ay ang pagkakaroon ng epektibong Emergency Response Action Program (ERAP) upang maging preparado ang mga mamamayan ng lungsod sa mga kalamidad tulad ng sunog, baha at lindol. 

Iyan, ayon kay Gu­tierrez ang plataporma at agenda ni Estrada kaya pinupuntirya ang pagka­alkalde ng lungsod.

Show comments