Ipagtanggol ang kalikasan: Tungkulin natin sa Asya
TALAGANG napaka-yaman ng Pilipinas sa flora at fauna. Nitong nakaraang tatlong taon, dose-dosenang mga bagong species ng halaman at hayop ang natuklasan sa kagubatan, ilog, at karagatan. Kabilang dito ang mga ngayon lang nakita at pinangalanang bulaklak, damo, insekto, gagamba, palaka, bubuli, talangka, at isda.
Nitong Abril nadiskubre ang bagong pod ng critically-endangered Irriwaddy dolphins (“lampasutâ€). Nanginginain sila ng isdang nalambat, isang kilometro mula sa pampang ng Quezon, Palawan. Mahalaga ito. Lalo na ang populasyon ng bilog-ulo at punggok-ngusong dolphins na ipinangalan sa malaking ilog sa Burma. Marami sila noon sa Bay of Bengal, South China Sea, hanggang New Guinea. Dati ang kaisa-isang pod ng Irriwaddy dolphins sa Pilipinas ay nasa Malampaya Sound. Hindi bababa sa 20 dolphins ang natagpuang pod sa Quezon.
Tinuturing ang Coral Triangle — ng Pilipinas, Indonesia, at Malaysia — na pinaka-biodiverse na pook sa Asya. Dito pinaka-maraming uri ng laman-gubat, -lupa, -ilog, at -dagat. Nasa gitna ng Coral Triangle ang Verde Island Passage, sa pagitan ng Mindoro at Batangas — na pinaka-mayabong sa lahat ng bahagi. Karugtong ng Verde Island Passage ang Apo Reefs sa Mindoro, at Tubbataha Reefs sa gitna ng Sulu Sea. Pareho itong national marine parks, at ang ikalawa ay Unesco world heritage site.
Tungkulin ng Pilipinas na bantayan ang mga gubat, ilog, at dagat upang mapanatili ang balanse ng ecosystems ng rehiyon at ng mundo. Kapag nilaspag ang kalikasan, bilyong tao sa Asya-Pacifico, at sa Uropa, ang magugutom at maghihirap. Ito ang dahilan kung bakit dapat tigil na ang pagkakalbo ng gubat, paglalason ng ilog, at pagdidinamita sa dagat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest