MARAMI nang nangyayaring aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng heavy vehicles pero hanggang ngayon, wala pang nakikitang pagkilos sa Land Transportation Office (LTO). Anong klaseng tanggapan ito na marami nang pasahero at pedestrians ang nasasagasaan ng mga classified heavy vehicles pero wala pang pagkilos? Mas nauna pang magpahayag ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na dapat magpalabas ng bagong klasipikasyon sa mga heavy duty vehicles na yumayaot sa mga kalsada. Marami sa mga sasakyang mabibigat ang nagdudulot ng panganib sa kalsada at kung hindi hihigpitan ang mga ito, kalagim-lagim ang sasapitin ng mga taong naglalakad sa kalsada. At walang ibang makakaresolba ng problemang ito kundi ang LTO.
Nasayang ang buhay ng estudyanteng si Marie Cherrie Inzon matapos madaganan ng isang tumagilid na cement mixer sa Araneta Ave. corner Del Monte St. Quezon City noong Martes ng umaga. Naghihintay nang sasakyan si Cherrie nang mawalan ng preno ang mixer at tinumbok ang kinaroroonan niya. Nahagip din ang isang pampasaherong dyipni at nasugatan ang mga sakay nito. Ayon sa drayber, nawalan umano ng preno ang dina-drive na mixer.
Kamakalawa, isa na namang cement mixer ang bumangga sa isang kotse sa QC Memorial Circle. Nagpaikut-ikot ang kotse dahil sa pagbangga. Mabuti na lang at walang namatay sa aksidente. Dalawang linggo na ang nakararaan isang heavy duty trailer truck ang nakabanggaan ng isang fish delivery truck sa Balintawak, Quezon City. Marami ang nasugatan.
At sa kabila ng mga banggaan na kinasasangkutan ng mga heavy duty vehicle, wala ngang ginagawang aksiyon ang LTO. Sila ang nararapat na magbigay ng klasipikasyon sa cement mixer dahil itinuturing na itong mapanganib na sasakyan. Payo ng MMDA sa mga drayber ng cement mixer huwag didikit sa nasa unahang sasakyan. Kailangan, mga 50 feet ang distansiya sa sasakyan. Ipinayo rin naman sa mga drayber ng sasakyan na nasa likod ng cement mixer na huwag tumutok. Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, walang silbi ang side mirror ng cement mixer sapagkat natatakpan ito nang malaking drum.
Kumilos na sana ang LTO. Sila ang dapat magsimula para maihanay sa mapanganib na sasakyan ang cement mixer. Maghigpit sa mga drayber ng mixer. Hihintayin pa bang marami ang mamatay?