Holdapan lutas dahil sa agarang responde
PINATUNAYAN kamakailan ng isang police station sa QueÂzon City ang bisa ng agarang responde sa ulat ng krimen. Palakpakan natin sina Supt. Pedro Sanchez at ang maaagap na tauhan niya sa Masambong station. Pitong holdaper sa bus ang nasabat nila ilang minuto lang mula nang maganap ang krimen.
Halos 10:30 ng gabi nang holdapin ng pitong lalaki ang limang pasahero ng Nicolas Albert Bus Line sa pa-hilagang EDSA, Quezon City. Inutos ng mga pusakal sa driver ng bus na ipagpatuloy ang biyahe. Pero pag-kababa nila, agad lumiko ang driver patungo sa Kilyawan precinct. Doon sinumbong ng mga pasahero na nakita nilang sumakay ang pito sa isa ring Nicolas Albert Bus na pa-timog EDSA.
Agad itinawag ng Kilyawan precinct sa Masambong station ang insidente. At agad nagtatag ang huli ng checkpoint sa EDSA. Hindi alam ng mga pulis kung ang hininto nila ay ang getaway bus. Pero matapang na inginuso ni driver Ismael Sambuto at conductor Ronald Jamawan ang pitong lalaking kasasakay pa lamang sa bus nila.
Nahuli ang pito na pawang may dalang patalim. Nabawi ang P15,000-cash, cell phones, isang camera, at isang iPad ng limang hinoldap na pasahero.
Kung naging tamad ang mga tauhan ng Masambong station, mabagal sa pagkilos, at hindi nag-checkpoint, hindi mahuhuli ang pito. Mananatiling blotter report lang ang holdapan, at statistics ang limang biktima. Pero dahil sa katapatan nila sa tungkulin, na tinambalan ng katalasan ng isip ng mga drivers at conductor ng dalawang Nicolas Albert Bus, nabawasan nang pitong pusakal ang mga kalsada.
Dapat pamarisan sila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest