HINDI nakapagtataka kung bakit maraming sunog ang nagaganap ngayon, dahil sa tindi ng init. Sa Caloocan, isang lola at tatlong bata ang namatay sa isang sunog na naganap doon. Tuyong-tuyo ang lahat ng bagay, kaya kapag nasindihan o nadapuan ng baga, madaling lumiyab at masunog. Mga kagamitan katulad ng bintilador at aircon na magdamagang nakabukas at hindi nabantayan ay sanhi rin ng sunog kapag nag-overheat at lumiyab. Dapat siguro hindi lang Marso ang Fire Prevention Month kundi pati na rin Abril at Mayo! Matatapos na rin ang Abril pero tila wala pang lunas mula sa nakatutuyong init ng panahon, kahit sa gabi.
Ano naman kaya ang sitwasyon ng tubig sa ating mga dam? Matagal na ring walang ulan, at dahil sa tindi ng init, hindi nakapagtataka kung malakas gumamit ang tao ngayon ng tubig. Pero kung wala pang balita tungkol dito, baka naman sapat pa ang lebel ng ating La Mesa dam, na siyang pinagmumulan nang malaking bahagi ng suplay ng tubig sa Metro Manila. Maliban na lang kung bibiglain na naman tayo ng balita na napakababa na ng lebel.
Sa Mindanao, alam ko malaki ang problema ng tubig, kasama na rin ang kuryente. Mababa o halos wala nang tubig ang mga dam kaya nawawalan na rin sila ng kuryente. Binubuhusan na nga ng kemikal ang mga ulap para lumikha ng ulan, pero kulang na kulang pa rin ito. Iba nga naman ang natural na ulan. Inaabangan ng lahat ang pagbagsak ng mga ulan itong Mayo, kung babagsak nga. Sana nga at halos malusaw na parang malambot na mantekilya ang mga aspaltadong kalsada. Malagkit sa gulong at mahirap linisin.
Kaya ko rin nabanggit ang aspalto ay dahil maraming kalsada ang inaaspalto sa ibabaw ng semento ngayon. May mga kalsada pa nga na bagong reblocking lang, inaaspalto naman ngayon. May dahilan ba ito? Hindi kaya pag dating ng tag-ulan ay malusaw naman ang lahat ng aspaltong iyan, at matinding lubak naman ang kapalit? At kapag napakatindi na ang lubak, babakbakin na naman ang aspalto? Parang naglolokohan lang tayo, ano? Baka dahil sa tindi ng init!