EDITORYAL - Nawalan na naman ng preno

TUWING may mangyayaring malagim na aksidente na kinasasangkutan ng bus, trucks at ma-ging jeepney, ang lagi nang sinasabi ng drayber ay nawalan ito ng preno. Kung laging ganito ang dahilan ng mga sasakyang pumapatay ng pedestrians at pasahero, nakakatakot na sa bansang ito. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa iyo habang naglalakad sa kalsada o kaya’y naghihintay nang masasakyan. At maski ang ibang motorista ay nasa panganib din sapagkat maaaring banggain ng bus, truck o jeepney na yumayaot sa kalye. Anong nangyayari sa mga sasakyang yumayaot sa kalsada at tila mga criminal na umaararo ng mga kawawang pedesrians at pasahero. At sa kabila naman nito, walang ginagawang aksiyon ang Land Transportation, Fran­chising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) kung paano wawalisin sa kalsada ang mga sasakyang dispa-linghado ang preno. Bakit naire-renew pa ng mga may-ari ng bus, truck at jeepney ang rehistro? Ano rin naman ang sey ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa mga sunud-sunod na trahedya na kinasasangkutan ng mga kakarag-karag na sasakyan na walang awa kung pumatay?

Noong Martes ng umaga, isang cement mixer ang nawalan ng preno habang tumatakbo sa Araneta Ave. corner Del Monte Ave., Quezon City. Para mapigil ang pagbangga ng mixer tinumbok ng drayber nito ang ginagawang excavation sa lugar. Eksaktong nasa lugar na iyon ang isang jeepney na nagsasakay ng pasahero. Bumaliktad ang mixer nang sumampa sa gutter. Binagsakan ang jeepney at isang babaing estudyante na nag-aabang ng sasakyan. Natagalan ang rescue workers bago na­ kuha sa ilalim ng mixer ang estudyante. Patay na ito nang isugod sa ospital. Sumuko naman ang drayber at sinabing nawalan ng preno ang minamaneho. Humi­ngi siya ng tawad sa mga magulang ng biktima.

Laging ganito na lang ba ang mangyayari? Pag­ katapos ng aksidente ay magso-sorry. Hindi ba sumasailalim sa periodic maintenance ang minamanehong sasakyan? Naiwasan sana ang malagim na pangyayari kung isinasaayos ang mga sasakyan bago ilabas sa kalye. Kumilos na sana ang DOTC at ang mga nasa ilalim niyang LTO at LTFRB sa mga sasakyang dispalinghado ang preno. Kung may konsensiya pa ang mga namumuno rito.

Show comments