ITO ay kaso ng 320 square meters na lote na orihinal na pag-aari nina Peping at kanyang ina na si Maria. Unang ipinagbili ni Maria ang hindi pa nahahating parte niya sa lote kay Ador, isa pa niyang anak sa ikalawang asawa, noong February 21, 1977. Nakabili ng lupa si Ador sa ¼ na bahagi ng lote ngunit hindi niya narehistro ang pagbibili dahil ayaw daw ibigay ni Peping sa kanya ang orihinal na titulo. Ayon naman sa sinumpaang salaysay ni Maria, nabigyan niya ng abiso ang lahat na interesadong tao na may karapatang tubusin ang nasabing lote mula kay Ador, lalo na kay Peping, ang kamay-ari niya sa lote.
Makalipas ang tatlong taon, ipinagbili muli ni Maria kay Peping ang nasabing parte ng lote sa pamamagitan ng isang quitclaim deed sa halagang P9,875.00. Nairehistro ito ni Peping sa Register of Deeds at nailipat ang titulo sa kanyang pangalan. Pagkatapos ay nagsimula na si Ian na aktwal at pisikal na mamusesyon dito at bayaran ang buwis nito.
Nang malaman ni Ador ang ikalawang pagbibili, hinarap agad nito ang ina na nauwi ang usapan sa barangay. Sa barangay, ipinakita ni Ador ang mga patunay ng pagbibili sa kanya ng ina tulad ng deed of sale, sinumpaang salaysay ni Maria at ang abiso ng kanyang ina sa mga interesadong tao. Sinabi rin ni Ador ang pagkakait nina Peping at ng kanyang ina sa kopya ng titulo kaya hindi niya ito nairehistro. Samantala, depensa ni Peping ang kawalan niya ng kaalaman sa naunang pagbibili kay Ador. Iginiit niyang nalaman lamang niya ang ikalawang pagbibili nang magreklamo si Ador kaya nagsampa siya ng kasong ejectment. Gayunpaman ay si Ador ang pinaboran ng korte,
Dahil sa nangyari, naghain si Peping sa Regional Trial Court (RTC) ng quieting of title ng nasabing lote laban kay Ador. Ayon kay Peping, hindi niya alam ang naunang bilihan sa pagitan nina Ador at ng kanyang ina. At dahil maagang namatay si Maria, hindi na ito nakapagbigay ng testimonya tungkol sa nasabing bilihan. Samantala, hindi naman binigyang ha-laga ng RTC ang naka tape-recorded na paglilitis sa barangay dahil ito ay hearsay. Hindi rin naisaalang-alang ang pagdismis sa kasong ejectment dahil ang isyu nito ay pamumusesyon. Kaya pinaboran ng RTC sina Peping at asawa nito batay sa mga dokumentong ebidensya na nagpatunay na sila ang may-ari ng lote. Sinang-ayunan naman ito ng CA. Tama ba ang desisyon ng CA?
TAMA. Sa pagitan ng dalawang nakabili ng iisang lote, mas pinapaboran ang karapatan ng naunang nagparehistro nito. Sa pagitan nina Peping at Ador, kikilalanin ang naunang pagpaparehistro ni Peping kahit na ikalawa lamang siyang nakabili at si Ador ang kasalukuyang namumusesyon sa lote. Bibigyan ng merito ang kawalan ng kaalaman ni Peping sa naunang pagbibili kay Ador. Samantala, walang halaga ang naisagawang sinumpaang salaysay ni Maria na nagsasabing si Ador ang nauna niyang pinagbilihan dahil hindi naisumite o nailakip sa salaysay ang pagpapatunay na nabigyan nga si Peping ng kopya ng abiso. Ang salaysay na ibinigay sa labas ng hukuman ay mababang uri kaysa sa testimonyang naipahayag sa loob ng hukuman (Blanco vs. Rivera G.. 145878, April 25, 2006).