EDITORYAL - Anong aksyon ng LTO sa mga sasakyang walang preno?

MULA Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan, marami nang sasakyang pampubliko at delivery truck ang nabangga, nahulog sa bangin at nakasagasa ng mga tao. Marami nang namatay at nasugatan. At ang dahilan ng drayber ng pampublikong sasakyan na nabangga o nakasagasa, nawalan daw ng preno.

Laging ganyan ang sinasabing dahilan ng drayber. Sa dami ng mga nangyaring aksidente araw-araw, maiisip na karamihan pala ng mga yumayaot na sasakyan ay mga sira ang preno. Walang kamalay-malay ang mga pasahero at kapwa motorista na ang nakakasalubong at nakakasabay sa kalsada ay depektibo ang preno. Paano kung mga malalaking truck na may kargang buhangin, bakal, o trailer truck ang nawalan ng preno sa palusong na lugar. Nakapangingilabot ito!

Katulad nang nangyaring pagsagasa ng isang ten-wheeler truck sa motorsiklo at isang SUV sa Antipolo City noong nakaraang Lunes. Patay ang nakamotorsiklo at sugatan naman ang sakay ng SUV. Nakaligtas ang drayber ng truck. Sabi niya, nawalan daw ng preno ang truck habang palusong. May iniwasan daw siya kaya tinamaan ang motorsiklo at SUV.

Noong Huwebes ng madaling araw, isang fish delivery truck ang bumangga sa isang heavy equipment trailer truck sa Muñoz, Quezon City. Namatay ang driver ng bumanggang fish delivery. Ayon sa report, mabilis ang takbo ng fish delivery at sinagasa ang  trailer truck. At ayon sa mga imbestigador, nawalan ng preno ang fish delivery truck. Marami ang nasugatan sa aksidente.

Sunud-sunod ang mga aksidente at pawang nawalan ng preno ang mga sangkot na sasakyan. Paano nakapagre-renew ng rehistro ang mga sasakyang walang preno? Anong aksyon ng LTO sa nangyayaring ito? Tanggap nang tanggap lamang ang mga taga-LTO ng bayad at wala nang nangyayaring inspection sa mga sasakyan? Hindi na baleng walang preno, makasagasa’t makapatay ang sasakyan basta mairehistro lang. Gawin naman sana ng mga namumuno sa LTO ang tungkulin nila.

 

Show comments