NANINIWALA kaming tama ang ginagawa ni Comelec chairman Sixto Brillantes na pag-diskuwalipika sa mga kahina-hinalang party-list group. Gusto niyang linisin ang sistema na grabeng pinarumi ng mga nakaraang administrasyon. Pero sa ginawang ruling ng Supreme Court kamakailan na ang mga diniskuwalipika ng Comelec ay dapat ibalik, nakasisira ito sa magandang plano na hinahangad ng pinuno ng poll body. Ayon sa ruling, pinapayagan ng Kataas-taasang Hukuman na makabalik ang party-lists group na inalis makaraang makakuha ang mga ito ng status qou ante order.
Marami nang naubos na panahon si Chairman Sixto Brillantes at mga commissioners ukol sa party-list groups. Maraming oras na ang kanilang iniukol sa pagbusisi at pagsala sa mga nag-apply na party-list groups pero mawawalan lang pala ng saysay. Ayon kay Brillantes, wala siyang iniisip kundi linisin ang party-list system. Marami silang diniskuwalipika sapagkat hindi naman nagrerepresenta sa mga maliliit. Karamihan sa mga party-list group representative ay mayayaman at hindi naranasang maging mahirap. Katulad na lang ng party-list na nagrerepresenta sa mga security guard at tricycle driver. Ang kinatawan ay hindi naman naging sekyu at traysikel drayber. Mayroon ding party-list na ang kinatawan ay isang miyembro ng pamilya. Mayroong party-list na ang nirerepresenta ay isang rehiyon. Bakit kailangang irepresenta ang isang lugar gayung mayroon nang congressman o congresswoman doon?
Nakaiinis ang ruling ng Kataas-tasaang Hukuman kaya hindi raw basta susuko si Brillantes. Mag-aapela raw sila sa ruling. Gagawin daw nila ang lahat para mapanatili ang kanilang pagnanais na maging malinis ang party-list system. Wala naman daw silang ibang hangarin kundi mapabuti ang party-list.
Naniniwala kami sa kakayahan ni Brillantes. Tama siya na nararapat isaayos ang party-list system. Kung hindi pa ngayon isasaayos, kailan pa? At kung hindi na mababago ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman, mas maganda pa kung buwagin na lamang ang party-lists system. Kaysa naman magpatuloy ito na sila-sila lang ang nakikinabang. Kinakain na rin ng political dynasty ang party-list kung saan magkakamag-anak ang nagpapalit-palit bilang kinatawan.