NANG sumadsad ang USS Guardian, minesweeper ng US Navy sa Tubbataha Reef noong Enero, maraming nabahala na baka hindi bayaran ang ma-laking pinsala na nagawa sa marine sanctuary. Baka maging katulad din ito ng mga nangyaring pagtampalasan sa Clark at Subic na nag-iwan ng nakamamatay na toxic. Pero sabi ng US Navy nakahanda silang balikatin ang pinsala. Nasa 2,000 square meters ang pinsala ng Guardian at aabot sa $1.4 million ang dapat nilang bayaran. Agad din namang ni-relieved ng US Navy ang apat na opisyal ng Guardian. Nagsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa pagsadsad ng Guardian sa Tubbataha. Ang Tubbataha ay dineklara ng UNESCO na World Heritage Site sa Sulu Sea.
Ang agarang pag-angkin at paghingi ng sorry ng US Navy sa nangyari ay magandang senyales na hindi nila tatakbuhan ang ginawang pinsala. Napawi ang agam-agam na maging katulad ito ng mga nangyari noon na walang nagawa o hindi nakapaghabol ang Pilipinas.
Kung gaano naman kabilis humingi ng patawad ang US Navy, ganito rin nanan kabilis humingi ng pakiusap ang dalawang China embassy officials na patawarin at palayain na ang 12 nilang kababayan na dinakip makaraang sumadsad ang kanilang barkong pangisda sa Tubbataha noong Lunes. Nagtungo umano ang dalawang embassy officials sa Puerto Princesa City, Palawan at pinakikiusap sa mga opisÂyal ng Tubbataha Management Office na pakawalan ang mga mangingisda. Hindi umano sinasadya ang pagkakasadsad ng barko roon. Wala raw intensiyon ang mga mangingisda. Pero sa halip na payagan ang kahilingan, lalo pang dinagdagan ang kaso ng mga mangingisda. Isinama sa kaso ang panunuhol ng mga mangingisdang Chinese sa park rangers. Umano’y $2,400 ang sinusuhol sa park rangers. Sa halip tanggapin ang suhol, kinalaboso ang 12.
Nararapat lamang na huwag pagbigyan ang kahilingan ng dalawang Chinese officials. Hindi pangÂkaraniwang problema ang ginawa nila. Pumasok sila sa teritoryo ng Pilipinas at doon nangisda. Sa kanilang pangingisda, sinira nila ang marine sanctuary. Kung sa bansa nila nangyari ang ganito, baka pinagbabaril na ang pumasok sa kanilang teritoryo. Pagbayarin sila sa nagawang damage sa Tubbataha.