WALA nang hiya ang ilang baguhang pulis o mas magandang sabihin, walanghiya! Hindi na sila tinatablan ng hiya at patuloy na gumagawa ng kasamaan. Lalo pang inilulubog sa putik ang Philippine National Police (PNP). Nasasayang tuloy ang ginagawang pagsisikap ng mga matitinong pulis. Nawawalan ng saysay ang ginagawa nilang paglilingkod at pagprotekta sa mamamayan. Ang lahat ng kanilang ginagawang kabutihan ay nababaon lamang sa mabahong putik na nililikha ng masasamang PO1 at PO2.
Limang pulis na may ranggong PO1 at PO2 ang nasa kontrobersiya makaraang kidnapin ang isang babae at ipinatutubos sa halagang P40,000. Hindi makapagprodyus ng ganoong halaga ang mga kaanak ng babae kaya ibinaba ng mga pulis sa P12,000. Nagkasundo. Nagkabayaran. Pero nagsuplong na pala ang mga kaanak ng babae kaya nahuli sa entrapment operation ang dalawang pulis. Nakatakas naman ang tatlo pa. Ayon sa kinidnap na babae, hinuli siya ng mga pulis at inakusahang may dalang shabu. Dinala umano siya sa
Camp Bagong Diwa sa Taguig at doon sinabi ng mga pulis na kailangang magbigay siya ng P40,000 para siya makalaya.
Ang sama ng reputasyon ng mga pulis dahil sa ilang PO1 at PO2. Kakahiya! Pumasok sila sa PNP para dumihan ang organisasyon. Pawang dungis na ang asul na uniporme. Makita lang ang asul na uniporme ng pulis, masama na ang iniisip ng mamamayan --- nanghuhulidap, nang-eextort, nangsa-salvage, sangkot sa illegal drugs, illegal na sugal at marami pang masamang gawain. Noong Enero 6, 2013, nasangkot ang mga pulis sa “Atimonan shootout†kung saan 13 tao ang kanilang pinatay. Agawan sa teritoryo ng jueteng ang dahilan. Noong nakaraang Lunes, tatlong pulis sa Tarlac ang na-videohan habang pinagtutulungang gulpihin ang isang lalaki.
Nakailang palit na ng uniporme ang PNP mula nang itatag noong Enero 29, 1991 sa bisa ng Republic Act 6975 subalit ganoon pa rin ang imahe. Nabago lang ang kulay pero ang nagsusuot ay ganoon pa rin. Lalo pang pinasama ng mga PO1 at PO2. Ano ang plano ng PNP chief sa mga nagpaparumi o nagpaparungis na PO1 at PO2?