EDITORYAL - Illegal posters, bara-bara na kung saan isabit at idikit

PARANG Krismas Tri na ang mga poste ng ilaw, kawad, haligi ng waiting shed at pati mga stop light ay hindi na pinatawad ng mga pulitikong kumakandidato para sa local na position. Grabeng paglabag na ito sa tinatadhana ng batas ukol sa pagkakabit ng posters at iba pang campaign materials. Habang ang Commission on Elections (Comelec) ay walang tigil sa pagsasabing kakasuhan nila ang mga kandidatong lalabag sa batas, lalo namang dumami ang mga nagkakabit ng kanilang posters sa bawal na lugar. Bara-bara na! Parang pinakawalang mga toro ang mga kandidato sa pagkakabit ng kanilang campaign materials.

Ngayon masusubok ang tapang ng Comelec kung kaya ba nilang baklasin ang illegal posters. Bukod sa mga posters na nakadikit sa mga pader na hindi naman dapat dikitan, maraming sasakyan na pag-aari ng gobyerno na may nakakabit na streamers ng kandidato. Ang matindi pa, pati mga ambulansiya ng barangay ay ginagamit na rin para sa pansariling kapakanan.

Maraming punongkahoy rin ang hindi pinatawad ng mga kandidato. Masahol pa nga sa Krismas Tri sapagkat ang malalaki at malalapad na streamers ng kandidato ay halos matakpan na ang puno. Halos magdilim na rin ang mga kalye sa dami ng mga nakasabit na banners ng pulitiko. Napaka-delikado sa pedestrians at motorista ang nakasabit na streamers sapagkat maaaring bumagsak ang pabigat na bato. Maaaring humulagpos sa pagkakatali at lumagpak sa nagdaraang tao o sasakyan.

Bago magsimula ng campaign noong nakaraang linggo, nananawagan ang Comelec sa mamamayan na ireport ang mga magkakabit ng illegal posters. Gagamitin daw nila ang social media para madaling malaman kung sinong kandidato ang mga lalabag.

May mga lumalabas namang report na may kinikilingang kandidato ang Comelec sa paglalagay ng posters. Ayon sa report, kapag kapanalig ng administration ang kandidatong naglagay ng posters sa hindi naman designated na lugar, hinahayaan daw at kapag kalaban ay binabaklas.

Ipakita nang Comelec na wala silang kinikilingan. Maging patas at parehas. Ilabas at gamitin ang “kamay na asero” sa mga kandidatong lumalabag sa batas.

 

Show comments