Nurses, physical therapists, caregivers, kulang sa barangay

MAHIGIT 400,000 nurses ang walang trabaho. Nagsipag-tapos sila ng bachelor of science course at pumasa sa board exams, pero walang job openings. Gayundin ang libu-libong physical therapists na nagkolehiyo, at caregivers na nag-diploma courses. Hindi sila maempleyo dahil kulang pa raw sa work experience. Kaya tulad ng nurses, sila pa ang nagbabayad sa mga ospital para makapag-on-the-job training. Samantala, sa lahat ng 42, 027 barangay, kailangan ng nurses para maghatid ng basic health services sa mamamayan. Kailangan ng PTs para sa mga matatanda at nabalian, at caregivers sa mga uugud-ugod at may kapansanan. Malaking sektor ng populasyon ang mga pasyente.

Kaya’t uulitin ko ang matagal ko nang minumungkahi. Obligahin ang lahat ng barangay na mag-hire ng hindi bababa sa tig-tatlong nurses. Italaga sila sa tatlong eight-hour shifts, para kahit anong oras ay may maaabutang nurse sa barangay. Ipaubaya sa kanila ang first aid; pagtingin sa mga buntis, sanggol, at musmos; pagturo ng kalinisan sa katawan at komunidad; at iba pang gawaing pangkalusugan. Kung gawin ito, 126,000 nurses ang agad magkaka-trabaho.

Samantala, obligahin din ang bawat barangay na itala lahat ng senior citizens, may kapansanan, at nabalian. Tukuyin din kung sino-sino ang mga PT at caregiver sa barangay o mga karatig. Pag-tambalin ang schedules nila, upang maasikaso ng PTs at caregivers ang mga nangangailangan ng services nila. Win-win sila. Tulungan din ang PTs at caregivers na magtayo ng cooperatives na magpapatakbo ng munting private clinics sa barangay. Pautangin sila para makabili ng kagamitan sa propesyon, tulad ng hot pack, tense, ultrasound, traction, tuwalya, hot wax, hot tub, atbp.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments