GUTOM at sikmurang walang laman. ‘Yan ang daing ng marami nating kababayan na madalas sumasala sa oras dahil sa mataas na halaga ng bilihin.
Dapat, ang mga inihahalal na opisyal sa pamahalaan ay may kakayahang lutasin ang problema ng pagkagutom. Paano kasi makakapaghanapbuhay nang matino ang mga taong gutom? Isama pa riyan ang maliliit nilang anak na dapat ay nakapag-aaral sa mga paaralan.
May magandang agenda si Cagayan Rep. Jack Enrile. Aniya, may 20 milyong Pilipino, ang biktima ng gutom sa bansa sa araw-araw. Aba’y halos 20% na ito ng ating populasyon na tinatayang papalo na sa 100 milyon sa katapusan ng taon.
Ang batang Enrile ay senatorial bet ng United NaÂtionalist Alliance (UNA). Aniya hindi dapat mangyari ang ganyang sitwasyon dahil mataba ang ating lupain at sagana tayo sa likas yaman.
Kung sa lalawigan ng Cagayan ay nagawa ni Jack na pasaganahin ang pagkain, bakit hindi puwedeng gawin ito on a nationwide scale?
Isa pang hadlang sa mababang halaga ng bilihin ay ang mga damontres na middle man at mga hoarder na mapagsamantala. Mababa na nga ang pasa ng mga paninda sa kanila, binabarat pa nila ang mga farmer at fishermen. Isama pa riyan ang mga lekat na kotongerong parak at pulis patola.
Sa programa ni Jack, ‘di lang magsasaka ang sakop kundi pati mga mangingisda, mag-gugulay, mga nag-aalaga ng baboy, baka, kalabaw at mga manok, pato at iba pa. Kulang ang tulong at proteksyon ang binibigay ng gobyerno sa mga taong ito.
Dagdag pa ni Jack, dapat tulungang lumaki ang produksyon ng pagkain. Kailangang bigyan ng prayoridad din ang irigasyon at pataba. Sana din, pag-aralan kung paano mabibigyan ang mga magbubukid ng pautang na may mababang interes, mabigyan ng dagdag na kaalaman kung paano mapipiga ng husto ang pakinabang sa mga lupain, karagatan at mga katubigan.
Malapit sa puso ni Jack ang isyung pagkain dahil siya ang may akda ng Food for Filipinos First Act sa Kongreso.
Kamakailan ay iminungkahi niya ang pagbubukas ng mga kursong agronomiya at agri-fishery sa mga pamantasan. Aba’y ito’y napakagandang hudyat para sa ating mga kababayang taga-lalawigan.