Mga kandidato na puro pangako

MagandaNG araw po sa inyo.

Ang gaganda ng sinasabi ng mga kumakandidato, kung ang sinasabi nila ay pagkain, ang sarap sanang kainin. Pero kung iyon lagi ang kinakain mo sigurado magsasawa ka rin. Mula noon hanggang ngayon sinasabi nila ang pagbabago, pero ang nabago lang, lalo silang yumayaman kaming mahihirap, mahirap pa rin.

Nasaan ang sinasabi nilang pagbabago para sa mahihirap. Lalo na yung nasa liblib na lugar na hindi naaabot ng tulong ng ating gobyerno. Ngayon babalik na naman sila sa kanilang puwesto kapag nanalo. Sigurado babawiin na naman ang kanilang nagastos at may tubo pa.

Dito sa lugar ko sa Cavite ang mga dating bukid ngayon ang tanim mga bahay na bato, na dapat ay palay at gulay. Maganda ang pag-unlad pero sana sa mga namumuno bigyan kami ng pansin, sa pagsasaka lang kami nabubuhay pero binabalewala kami, kasi gusto ng ibang namumuno maging siyudad ang kanyang pinamumunuan. Yun ang aking nakikita sa kanila.

Sana sa darating na eleksyon maging matalino na tayo. Huwag nating ipagbili ang ating boto sa konting halaga, kahit na naririnig ko sa tuwing halalan may pera gumagapang. Hindi ko masisi ang aking ibang kababayan na tumanggap ng konting halaga, ilang kilong bigas din ang mabibili nila.

Napanood ko ang talakayan nina Mayor Alfredo Lim at dating Presidente Erap Estrada sa UP Manila noon. Imbis na sabihin nila sa mga manonood ang kanilang plataporma kapag sila ang nanalo ng mayor ng Manila, ang nangyari patutsadahan, sumbatan, sisihan labasan ng mga baho nila, para silang mga bata. Nawala sa isip nila kung bakit sila nasa taas ng entablado. Sana isipin ng mga mananalo sa darating na halalan na maging gabay sila sa pag-unlad ng mga pamayanan.

 --ARMANDO ARENAS <aarenas64@yahoo.com>

Show comments