MALIGAYANG Pasko ng Pagkabuhay sa ating lahat! Masaya malamang ang lahat ay nakapagpahinga ng ilang araw dahil sa paggunita sa Semana Santa. Para sa mga bumiyahe at nagtungo sa mga kilalang bakasyunan, matinding trapik siguro ang titiisin at magbabalikan na rin ang lahat nang umalis itong mahal na araw! Kaya marami rin ang nagpasyang mag- “staycationâ€, o manatili na lang sa Metro Manila at dito na lang magbakasyon.
Nang namasyal kami noong Huwebes at Biyernes Santo, nagulat ako sa dami ng mga sasakyan sa kalsada! Noong araw, halos walang masasabayan o masasalubong na sasakyan, pero ngayon, mapapapreno dahil sa bahagyang trapik! May ilang mga bukas na kainan, kaya sila ang kumita nang maganda noong dalawang araw na iyon! Halos walang maupuan at may pila para makapasok! Dapat lang mabigyan nang kaukulang overtime ang mga empleyado nila, at may malasakit para sa kanilang negosyo.
Nakaraos na naman ang isang Semana Santa. Mabuti na lang at may bagong Santo Papa na para magbigay ng mensahe sa mga mananampalataya. Napakinggan ko sa YouTube ang mensahe ni Cardinal Luis Tagle, sa kanyang talumpati sa mga magtatapos sa Ateneo de Manila University. Kababalik lang niya mula sa Vatican. Isinalaysay niya ang kanyang mga naging karanasan sa mga mahahalagang araw na iyon, kung saan siya mismo ay isa sa mga pagpipilian na maging sunod na Santo Papa.
Maganda ang kanyang mensahe, kung saan hinikayat niya ang lahat na hanapin ang kanilang layunin sa buhay hindi lang para magpayaman at magpasarap ng buhay. Magbigay kahit konti mula sa kanilang natutunan sa pamantasan, para tulungan ang mga hindi nabigyan ng masyadong biyaya at magagandang buhay. Tulad nang piniling pangalan ng bagong Santo Papa, si St. Francis of Assisi ay tinalikuran ang lahat ng kanyang pag-aari’t kayamanan, para tulungan ang mga mahihirap. Masaya naman ako at tila nakinig nang mabuti ang valedictorian ng mga nagtapos, at nangakong iaalay ang dalawang taon para tumulong. Ito na siguro ang mabibigay kong mensahe para sa araw na ito. Magsaya tayo at buhay ang ating Panginoon, at hanapin natin ang layunin sa buhay at pagbutihin.