Kailangan lang maging mahigpit

ITONG panahon ng tag-init, masarap bumiyahe at magtungo sa mga ibang lugar, para maiba naman sa Metro Manila. At para makatipid, at makita na rin ang ganda ng bansa, sumasakay tayo ng kotse o kaya’y bus. Pero sa mga biyahe kung saan dumadaan ang mga sasakyan sa highway, may balakid, o peligro. Matagal nang isyu ang ginagawang pagpapatuyo ng mga palay at mais sa kalsada, partikular sa mga national highway. Pinagsasamantalahan ng mga magsasaka ang init ng panahon, pati na rin ang libreng paggamit ng kalsada para patuyuin ang kanilang inaning palay at mais.

Ang problema ay mga daanan nga ng sasakyan ang mga ito. Ang nangyayari ay iniiwasan ng mga sasakyan ang masagasaan ang palay o mais, kaya lumilihis pasalubong sa trapik. Sa highway, dahil mabilis ang takbo, mga ganitong maliliit na pag-iiba ng direksyon ay maaaring magresulta sa trahedya. Ang masama pa, hinaharang sa pamamagitan ng mga malalaking bato o kahoy ang kanilang palay at mais, para siguraduhing hindi masasagasaan ang kanilang ani. May mga okasyon kasi na hindi na maiiwasan ng ligtas ang mga pinatutuyo sa highway, kaya sinasagasaan na lang. Siyempre nagkakalat ang palay o mais, at nawawalan ang magsasaka. May mga okasyon na sinasadya ring sagasaan dahil sa inis na lang ng ibang drayber! Kung may harang, wala ka nang magagawa kundi lumihis.

Matagal ko na nakikita ang nakasanayang ito ng pagpapatuyo sa highway. Peligroso ito para sa mga sasakyan, pati na rin sa mga magsasaka na kumakalaykay ng kanilang palay habang pinatutuyo. Maliit pa ako ay nakita ko nang ginagawa ito. Sa madaling salita, hindi napipigilan ang mga magsasaka. Bakit? Dahil mahalaga ang kanilang boto?  Napakadaling pigilan ang nakasanayang ito kung magiging mahigpit lamang ang lokal na pamahalaan ng bawat lalawigan. Mga parusa na multa, o kaya’y pagkumpiska ng mga palay o mais na pinatutuyo sa highway. Ganun kasimple, pero hindi magawa. Kailangan siguro ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng DPWH ang dapat nang kumilos para mahinto na ang nakasana­yang ito. Dahil sa mga national highway naman pinatutuyo, may hurisdiksyon ang DPWH. Ika nga ni DPWH Sec. Rogelio Singson, ang mga kalsada ay para sa mga motorista, hindi patuyuan ng ani. Kung pababayaan lang, eh pasensiyahan na lang lahat kung ganun. Pasensiya na kung masasaga­saan ang mga palay o mais, at pasensya na kung maaksidente dahil iniwasan ang mga palay at mais!

 

Show comments