BINAHAGIAN ng Comelec ng ika-anim pang kontrata nitong Halalan 2013 ang election supplier Smartmatic. Ito’y sa kabila ng pagtuligsa ng marami sa kumpanyang Venezuelan dahil sa magulong automation nu’ng Halalan 2010.
Sa halagang P111.6 milyon, patatakbuhin ng Smartmatic ang call center ng technical support para sa Comelec field personnel na hahawak ng 82,000 voting machines sa kasing daming presinto. Kasosyo ng Smartmatic ang LRA Pacific Management Consulting Inc. para sa tinagurian ng Comelec na National Support Center (NSC).
Naglaan ang Comelec ng P131 milyon para sa NSC. Nag-fail ang unang bidding nu’ng Enero dahil kulang-kulang ang papeles ng kaisa-isang bidder na SPI Global. Atrasado ang bid ng Smartmatic, pero kinatigan ng Comelec ang motion for reconsideration nito.
Mag-partner din ang Smartmatic at LRA Pacific sa pagtalaga ng 690 NSC call center agents sa Halalan 2010. Maaalalang binisto noon ni Jonathan Manalang, dating operations director ng LRA Pacific, na may “powerful server†sa NSC na ayaw ipaliwanag ng Smartmatic kung para saan. Pinagtakpan daw ng Smartmatic ang maraming sablay at himala sa precinct count optical scanners (PCOS). Sa pamamagitan ng NSC, inutos sa field technicians na beripikahin lang kung tumanggap sila ng PCOS unit, pero hindi ang serial number na nakatalaga sa presinto. Nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang kung sinong mandaraya na magdagdag ng boto, ani Manalang. Bigla siyang sinibak sa trabaho nang walang paliwanag nu’ng Mayo 11, 2010, isang araw matapos ang botohan.
Ang lima pang kontrata ng Smartmatic sa Comelec ay: (1) 82,000 PCOS units, P1.8 bilyon; transmission services ng election results, P405.4 milyon; transmission modems, P154.5 milyon; compact flash (CF) memory cards - main type, P46.5 milyon; at CF-cards - write once-read many type, P46.5 milyon.